Nasasakal sa higpit ng ate
Dear Dr. Love,
Bunsong babae ako sa limang magkakapatid. Mula pagkabata ay si ate ang nag-alaga sa akin. Hanggang mag-asawa siya, isinama pa rin niya ako, hanggang makapagtapos ako ng pag-aaral at magkaroon ng sariling trabaho.
Ang problema, kahit 25 years old na ako, mahigpit pa rin si ate. Hindi siya boto sa boy-friend ko, kesyo wala raw akong future sa lalaking napili ko. Pati paglabas at pag-uwi ko sa gabi, kailangan pang ipaalam ko sa kanya. Nasasakal na ako dahil tila nakalimutan ni ate na nasa hustong gulang na ako.
Napilitan tuloy akong yayain ang boyfriend ko na magpakasal para makalaya sa poder ni ate. Katulad ng inaasahan, tutol pa rin siya sa plano kong pagpapakasal. Kailan kaya ako makakalaya sa anino ng ate ko?
Mikai
Dear Mikai,
Natural lang na makaramdam ka ng pagkayamot sa sobrang paghihigpit ng ate mo, lalo’t nasa hustong gulang ka na. Pero tandaan mo, ang kontrol sa buhay mo ay hindi dapat manggaling sa iba, kundi sa sarili mo.
Kausapin mo si ate nang maayos. Lam-bingin mo siya at ipaalala na hindi ka na bata. Maaari ka pa rin niyang paalalahanan, pero hindi na dapat kontrolin ang bawat galaw mo. Sabihin mo nang direkta na nasasakal ka na sa kanyang pamamahala.
Kung kaya mo na, maaari ka ring magsarili at maghanap ng mauupahan para matuto kang tumayo sa sarili mong mga paa. Pero huwag mong gawing dahilan ang kasal para lang makatakas sa problema. Kung hindi ka pa handa, para mo lang pinapasan ang mas mabigat na responsibilidad.
Ang pinakamahalaga ngayon ay ang pagiging tapat sa iyong damdamin at ang pagtatakda ng malinaw na hangganan sa relasyon mo sa ate mo. Sa ganitong paraan, matututo siyang igalang ang iyong desisyon bilang isang ganap na adult.
Dr. Love
- Latest
















