Kabaitan ng nanay, inaabuso ng mga utol
Dear Dr. Love,
Hindi naman kami marangya sa buhay. Kayod marino ang nanay ko sa dalawa o tatlo niyang trabaho minsan. Bilib talaga ako sa kanya dahil single mother siya, pero kahit kailan ay hindi siya humihingi ng tulong sa limang barako niyang mga kapatid. Ang nakakaasar, siya pa rin ang takbuhan ng mga kapatid niya pagdating sa pera, kahit pangatlo lang siya sa magkakapatid at nag-iisang babae.
Kahit wala na kaming makain, hindi siya makatanggi kapag nilapitan ng mga utol niya. Minsan ipangungutang pa niya para lang matulungan sila. Ang masakit, may pambili sila ng alak, sigarilyo, at pangsugal, pero pamasahe at baon ng mga anak nila, iaasa pa sa nanay ko. Para bang mas malakas pa sa kalabaw, pero nag-aanyong talunang tupa kapag humihingi ng tulong.
Ang hiling ko lang, sana matutong tumanggi si nanay sa pang-uuto ng mga kapatid niya. Kasi hindi naman tama na siya ang magpapakahirap, habang sila ay umaasa lang. Kung may rebolto ng pagiging martir, baka siya na ang unang kandidatong itayo.
Cely
Dear Cely,
Tama ka, ubod ng bait ng nanay mo. Pero minsan, ang sobrang bait ay nagiging dahilan para abusuhin ng iba. Kausapin mo siya nang maayos at ipaalala na hindi niya obligasyon na sagutin ang responsibilidad ng mga kapatid niya.
Kung kaya nilang bumili para sa bisyo nila, dapat kaya rin nilang tustusan ang panga-
ngailangan ng sarili nilang pamilya. Kung patuloy silang umaasa, hindi sila matututo tumayo sa sarili nilang mga paa. Hindi rin makabubuti na habang buhay ay sa nanay mo sila aasa.
Ang pinakamahalaga, iparamdam mo kay nanay na hindi siya nag-iisa. Tulungan mo siyang magkaroon ng lakas ng loob na magsabi ng “hindi” kapag inaabuso na ang kanyang kabaitan. Sa ganitong paraan, matututo rin ang mga kapatid niya na maging responsable sa buhay nila.
Dr. Love
- Latest

















