May dugong ‘berde’
Dear Dr. Love,
Isang pulis ang lolo ko na may mataas na ranggo. Matagal na niyang pangarap na may sumunod sa yapak niya bilang pulis.
Walong magkakapatid na babae ang anak niya kabilang na ang nanay ko.
Sa walong magkakapatid ay puro babae rin ang naging apo ng lolo ko, maliban lang sa akin na nag-iisang apong lalaki.
Buong buhay ko ay pinangarap nilang magpupulis din ako. Kaya naman nakapagtapos ako ng criminology at nakapasa na rin sa licensure exam.
Sa araw-araw ng buhay ko, hindi na nila ako tinantanan ng kakaudyok na mag-apply na. Ang bukambibig nila ay may backer ako, dahil kahit retirado na si lolo ay nananatili ang malakas at maimpluwensiyang koneksyon niya sa hanay ng mga kapulisan at maging sa maraming ahensiya ng gobyerno.
Ang problema, Dr. Love ay hindi nila alam na kulay berde ang dugo ko. Ngayon ay talagang hindi ko mawari kung paano magsasabi sa aking pamilya na ako ay hindi maton, kundi nangangarap na maging reyna. Opo, tama ang basa ninyo, bading nga po ako.
Kaya naman, ang malaking katanungan ay paano na ang pangarap ng lolo ko na sumunod sa yapak niya?
Gusto nila, ako ang magmana ng mga baril ni lolo, pero malayo ito sa gusto ko na magkaroon ng makikinang na korona na maipuputong sa ulo ko bilang reyna.
Dr. Love, sa inyo ko lang pinagtapat ang tungkol dito, umaasa po ako sa mahalagang payo ninyo. Tulungan po ninyo ako kung ano ang gagawin ko?
Bruno Marz
Dear Bruno Marz,
Mapaglaro talaga ang tadhana. Sa gaang akin, paano nagkakaroon ng “berdeng” dugo ang isang lalaki na mula sa angkan ng pulis?
Pero seriously, hindi nga madali ang situwasyon mo. Ang payo ko ay sikapin o na makahanap ng magandang timing para makapagtapat ka, una sa miyembro ng pamilya na pinakamalapit sa’yo. Tiyakin mo rin na handa ang kalooban mo sa kung paano sila magre-react. Mahirap ang gagawin mo, pero mas mahirap ang magsunud-sunuran sa gusto ng iba habang naghihinagpis naman ang iyong kalooban.
Kung magtatapat ka dahil mabuti nang sayo manggaling kaysa ibang tao pa ang magsabi nito.
Dr. Love
- Latest





















