Ipinagpaliban ang kasal
Dear Dr. Love,
Handang-handa na sana ang kasal namin ng fiancé ko. May simbahan na, may reception, bayad na ang ilang suppliers. Ilang buwan naming pinag-ipunan iyon dahil pareho kaming tumutulong sa pamilya. Excited na sana kami sa bagong yugto ng buhay.
Pero biglang na-stroke ang tatay niya. Na-ospital at nangangailangan ng tuloy-tuloy na gamutan. Bilang panganay, natural na sa kanya bumagsak ang malaking respon-sibilidad—emosyonal at pinansyal. Dahil dito, napagdesisyunan naming ipagpaliban muna ang kasal.
May mga kamag-anak na nagsabi na hindi raw maganda magpakasal kapag may malubhang may sakit sa pamilya. Ayon daw sa pamahiin, maaaring magdala ng malas. Pero higit sa pamahiin, ang totoo ay hindi rin namin kayang magdiwang habang may ganitong pinagdaraanan ang pamilya.
Nalulungkot ako, Dr. Love. Hindi dahil sa handaan, kundi dahil parang napakalapit na sana ng pangarap ko. Tama po ba ang ginawa namin? Paano ko haharapin ang lungkot nang hindi nagiging makasarili?
Saldy
Dear Saldy,
Una, normal ang malungkot. Pinaghandaan mo iyon, pinangarap mo iyon. Hindi ka makasarili dahil nasasaktan ka. Tao ka lang na umaasa at nagmamahal.
Pero gusto kong sabihin ito nang malinaw, ang desisyon ninyong ipagpaliban ang kasal ay hindi malas—ito ay malasakit. Hindi pamahiin ang gumabay sa inyo kundi responsibilidad at respeto sa magulang.
Ang kasal ay hindi lang isang araw ng saya. Ito ay pangakong mananatili sa gitna ng hirap at ginhawa. Sa totoo lang, ngayon pa lang ay isinasabuhay na ninyo ang panatang iyon.
Darating din ang araw ng inyong “I do.”
DR. LOVE
- Latest


















