50-yrs old na, lapitin pa ng mas bata
Dear Dr. Love,
Isa na akong 50 years old at may asim pang golden girl.
Ewan ko ba, kung bakit pawang mga lalaking mas bata sa akin ang very obvious sa pag-express ng interest sa akin.
Sa totoo lang, Dr. Love hindi ko pinangarap as in never, na maging caugar girl. Dahil hindi ko talaga type ang mga bagets.
Pero kung alin pa ang hindi ko type ay ‘yun pa ang malimit dumiga sa akin.
Nandyan ang may nag-aayang kumain sa labas, nagpapadala ng bulaklak o regalo kahit hindi ko naman birthday.
Ang iba ay talagang ina-approach pa ako para sabihin ako, halimbawa na bagay sa aking ang suot ko, kung minsan binabati naman ang buhok o make up ko sabay sasabihing type raw nila ako…nakakaloka! Parang mga anak ko na sila, Dr. Love, di ba?
Hindi naman for fun lang ang beauty ko. Wala rin akong planong mag-alaga ng mga mas bata ang edad sa akin na hindi stable financially o emotionally.
Hindi naman ako naghahanap ng Mr. Right, pero sana naman ay maibigay na ng universe sa akin ang lalaking kasing edad ko lang.
O kahit mas matanda sa akin na mas bet ko pa. Pero huwag lang 10 or 15 years na mas bata sa akin, please. Dahil hindi ko ma-take ang May-December love affair.
Tama ba ko Dr. Love?
Lixa
Dear Lixa,
Ang pag-ibig ay hindi nasusukat sa edad, lalo na sa panahon ngayon. Tama ka sa iyong obserbasyon, na ang mga kabataan ngayon ay talagang bold sa kanilang pananaw o feelings.
Sa tingin ko ay talagang attractive ka pa rin sa kabila ng iyong edad kung kaya maraming mas nakakabata ang nagkakaroon ng interes sa’yo.
Sadyang may mga babae na tulad mo na ika nga ay may asim pa, gaya ng sabi mo— na malakas ang appeal partikular sa mga lalaking mas bata ang edad sa iyo.
Nabanggit mo na hindi mo type ang mga bagets, ok lang naman na maging honest pero, alam mo na...sabihin mo pa rin ito sa paraang mahinahon at hindi gaanong makaka-offend sa feelings ng iyong mga admirer.
Hangad ko na matagpuan mo ang taong tipo mo nang sa gayon ay talagang makamit mo ang kaligayahang deserve mo.
Alam mo na kahit pa sabihing umiedad na ang isang tao, mahalaga pa rin na maging maligaya ang kanyang bawat araw para mas ma-enjoy ang life.
Salamat sa liham mo, Lixa at hanggang sa muli.
Dr. Love
- Latest

















