Anak ni Senador Bong, nanumpa na bilang doktora
Walang pagsidlan ng tuwa at pagmamalaki si Senator Bong Revilla, Jr. at ang kanyang buong pamilya dahil isa nang ganap na doktor ang kanyang anak na si Dra. Loudette.
Si Dra. Loudette ay nanumpa na bilang full-fledged physician noong Biyernes, Nobyembre 22, 2024, sa Philippine Convention Center ( PICC).
Nagtapos ng kanyang pre-medical studies sa Ateneo de Manila University at sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERMMMC) naman para sa kanyang Doctor of Medicine degree ang anak ng senador / aktor at ni Rep. Lani Mercado.
Nakapasa siya ng Physicians Licensure Examination noong Oktubre, taong ito.
Ang kanyang achievement ay isa siyempreng mahalagang yugto hindi lamang para sa kanyang sarili kundi sa buong pamilya Revilla na kasalukuyang nagbubunyi pa sa tagumpay ni Dra. Loudette.
Samantala, kamakailan ay ginawaran si Senador Bong Revilla Jr. ng mga parangal ng prestihiyosong Asia’s Distinguished Leader in Public Service mula sa Asia’s Pinnacle Awards 2024 at ng Gawad Pilipino Lingkod Bayan Award mula sa Gawad Pilipino Awards.
Ang parangal ay tumutukoy sa kanyang mga nagawa bilang mambabatas. “Nagpapasalamat ako sa mga pagkilalang iginawad sa akin bilang isang lingkod-bayan. These recognitions are not just for me but for every Filipino who dreams of a better future,” pahayag ng mambabatas.
Ang mga parangal ay nagbigay-diin sa kanyang adbokasiya para sa edukasyon, serbisyong pangkalusugan, katarungang panlipunan, at pagpuksa sa kahirapan. “Ang mga karangalang ito ay patunay na hindi lang tayo basta nagbutas ng upuan at nagpapogi sa Senado,” pagtatapos niya.
- Latest