Kathden, may part 3 sa New York?!
Hindi na maitatangging ang pelikulang Hello, Love, Again nina Kathryn Bernardo at Alden Richards ang nangunguna sa box office sa talaan ng Pinoy films.
Naglabas ang ABS-CBN ng press release na na-hit na nito ang P1B mark.
Ang akala ko nga umabot din ng mahigit P1B ang Metro Manila Film Festival movie nina Dingdong Dantes at Marian Rivera na Rewind. Pero nung na-check ko sa Google, naka-P924M daw ito.
Kaya si Kathryn na talaga ang susunod na Box-Office Queen at si Alden naman ang Box-Office King.
Pero may Metro Manila Film Festival pa, at inaasahang maganda rin ang kalalabasan nito sa takilya.
Pero kahit sa ibang bansa ay patuloy pa ring humahataw sa takilya itong pelikula ng KathDen.
Nasa Los Angeles, California pa sina Alden at Kathryn, at ang sipag daw nilang mag-meet and greet doon dahil sa mainit na pagtanggap sa kanilang pelikula.
Kaya ngayon pa lang ay may clamor na magkaroon ito ng part three at sa New York naman ang susunod na location.
Pero may naririnig kaming pinag-uusapan na raw ngayon ang kasunod na pagsasamahan ng dalawa.
Nangako lang kaming huwag munang isulat dahil hindi pa naman ito plantsado. Pero kung matutuloy raw itong isang proyektong pagsasamahan nila ulit, baka bandang last quarter of 2025 pa raw nila ito sisimulan.
Abangan na lang natin!
Royce, ayaw pag-usapan sina Rita at Archie
Dahil sa box-office success ng Hello, Love, Again, nabuhayan ng loob ang karamihang film producers at umaasa silang tuluy-tuloy na itong pagpapasigla sa mga sinehan.
Hindi lang kasi ang HLA ang malakas ngayon sa mga sinehan kundi pati ang fantasy-musical na Wicked.
Next week, ay magso-showing na rin ang Moana 2 at inaasahan din ang lakas nito sa takilya. Pero makakasabay nito ang dalawang local films na Idol: The April Boy Regino Story ng Waterplus Productions at ang Huwag Mo ‘Kong Iwan ng Bentria Productions.
Sana kahit paano ay maganda rin ang resulta nito sa takilya.
Kinakarir na nga nila ang mga block screening mula sa mga supporter at kaibigan ng mga artista ng dalawang pelikulang ito.
Samantala, nakatsikahan namin sandali si Royce Cabrera sa premiere night ng Huwag Mo ‘Kong Iwan.
Isa siya sa sumuporta sa pelikula dahil kay direk Joel Lamangan at Kapuso stars na sina Tom Rodriguez at Rhian Ramos.
Nakorner namin doon si Royce at halatang hindi siya komportableng pag-usapan ang tungkol sa isyu nina Rita Daniela at Archie Alemania.
Kasama si Royce sa Widow’s War, at andoon pa rin siya. Sina Rita at Archie ay hindi na nakabalik sa naturang drama series.
Present siya sa party ni Bea Alonzo, at tinanong ko pa nga at naka-duet pa pala niya roon si Rita. Pero ngumiti lang si Royce. Ayaw niyang mag-comment tungkol dun.
Nalungkot ba sila na nahaluan ng ganung isyu ang masaya nilang samahan sa Widows’ War?
“Halu-halong emosyon po e. Kasi siyempre hindi naman po namin ini-expect na magkaroon ng mga ganun. Pero, ‘yun nga po tulad ng sinabi ko, sa ngayon, nakatuon kami sa trabaho mismo. Lahat na mga personal na issue namin at iba pang bagay, lahat po ‘yun ihihiwalay namin sa trabaho namin,” safe na sagot ni Royce.
“Sa ngayon po, okay naman po kami. Kumbaga, hinihiwalay naman po ‘yung ganun concern sa trabaho. Right now, kami naman ay naka-focus sa pagpapatuloy sa pagpapaganda nung istorya,” dagdag niyang pahayag.
Tuloy ang pananahimik niya tungkol kina Rita at Archie at ‘di siya napilit magbigay ng komento tungkol dun.
“Mas maganda po na ‘yung mga tamang tao po yung mga ganung klaseng bagay. ‘Yung mga involved na lang po, ‘yung mga eksperto sa ganung bagay,” sabi pa ni Royce Cabrera.
- Latest