Ikinahihiya ang ina
Dear Dr. Love,
Mula pagkabata ay minahal ko ang aking ina. Single mother siya at wala akong nakamulatang ama. Namatay ang tatay ko nang ako ay isang taong gulang.
Tawagin mo na lang akong Carlos, 19 an-yos at nasa senior high. Nabubuhay kami ng nanay ko sa grocery na itinayo niya, na may kasamang karinderya.
Noong 17 anyos ako, may mga tsismis akong naririnig na ang nanay ko ay dating bar girl at nagbebenta ng panandaliang aliw. Akala ko may naninira lang sa aking ina pero paulit-ulit ko itong naririnig mula sa iba’t ibang tao. Kaya inusisa ko si nanay at ito’y kinumpirma niya habang umiiyak.
Aniya, ni hindi siya natapos ng elementary at ang paghohostes lang ang alam niyang trabaho upang buhayin ako.
Napalitan ng poot ang pagmamahal ko kay nanay. Mabuti pang ipinamigay na lang niya ako kung hindi niya ako kayang buhayin. Paano mawawala ang galit ko sa kanya?
Carlos
Dear Carlos,
Napakauliran ng ina mo. Mahal ka niya kaya kahit sa ano mang paraan, masama man sa paningin ng tao ay binuhay ka niya.
Hindi ka niya ipinamigay dahil kung ito ang ginawa niya, hindi niya batid ang magiging kapalaran mo.
Mahalin mo siya at baguhin mo ang maling takbo ng iyong isip.
Dr. Love
- Latest