Huwag ikumpara ang buhay sa iba
Dear Dr. Love,
Tawagin na lamang ninyo akong Denz. Sinabihan ko na ang asawa ko na huwag niyang laging ikukumpara ang buhay namin sa aming mga kapitbahay. Lalo na sa katapat namin. Kapag may nakita siyang kakaibang binili o bago sa kanila, gusto niya bumili rin kami ng katulad o higit pa sa binili nila.
Bumili sila ng infrared na kalan. Gusto ni misis, ‘yung double burner na infrared. Bumili ng bagong motor ang katabing bahay naming, Nmax. Baka naman daw gusto kong bumili ng PCX.
Hindi naman masama kung bibili kami ng mga katulad o higit pa sa mga napupundar ng kapitbahay namin. Maganda rin naman ‘yun dahil mas nagiging magaan ang aming buhay. Kung kaya nga naman, eh bakit pang kailangan magtipid?
Ako lang kasi ang nahahanapbuhay sa amin. Si misis sa bahay lang siya. Kaya kung ikukumpara sa mga kapitbahay naming, naghahanapbuhay ang mag-asawa.
‘Yun ang dahilan kung bakit kaya nilang bumili nang bumili. Sabi ko nga sa misis ko. Mas iniisip ko kasi ang pag-aaral at ang pang gastos naming sa araw-araw.
Sa ngayon gumagawa ako ng paraan para makadiskarte ng maayos.
Denzi
Dear Denzi,
Tama naman na hindi dapat ikumpara ang buhay ninyo. Ipabasa mo itong payo ko sa misis mo ha.
Ang mga misis ay ang tagapangalaga ng kayamanan ng pamilya. Sila ang dapat marunong sa pagba-budget. Pwede naman paminsan misan ay gagastos tayo ng mas mahal, pero hindi sa lahat ng oras.
Kung hindi pa kaya, pag-ipunan muna. Ang mahalaga ay kumpleto ang pamilya at nagmamahalan.
Lalo na sa panahon ngayon na pamahal nang pamahal ang bilihin, dapat may ipon kayo at maru-nong sa buhay. Hindi dapat bili nang bili kahit hindi naman kailangan.
Dr. Love
- Latest