Sosyalera
Dear Dr. Love,
Kumusta kayo Dr. Love? Sana ay maging masagana at masaya ang papasok ng 2023 sa inyo. Ako po si Ida, 31anyos. Palibhasa ay isinilang ako sa pamilya ng may kaya at mahilig sa social life, nakalakhan ko na ang pagkahilig sa mga party gaya ng aking mga parents.
Nagdalaga ako at nakapag-asawa na taglay ang ganoong ugali. Dalawang beses isang linggo ay lagi akong nasa gimikan, bagay na pinag-aawayan namin parati ng mister ko. Ibig kong baguhin ang sarili ko para sa kanya at sa mga anak namin pero ‘di ko magawa. Nasa dugo ko na yata ito na tulad ng bisyo.
Dahil sa tigas ng ulo ko, hiniwalayan ako ng mister ko after five years ng aming pagsasama. Nagsisisi ako ngayon at upang pawiin ang aking lungkot, lalo naman akong naging sugapa sa gimmick.
Hindi ko naman masisi ang asawa ko nang hiwalayan ako. Kasi, minsan ay madaling araw na akong umuwi ako. Inihatid ako ng isang kaibigang lalaki sa kanyang kotse. Pagbaba ko sa harap ng bahay, bumama rin siya sa sasakyan at binigyan ako ng friendly kiss sa pisngi.
Nakita pala ng mister ko ‘yun kaya pagpasok ko ng bahay ay sinampal niya ako. Nilayasan ako at ‘di na binalikan. Akala niya ay nagtataksil ako sa kanya.
Ano ang gagawin ko?
Ida
Dear Ida,
Hindi mo nabanggit kung legally annulled ang kasal ninyo ng iyong asawa. Kung hindi, physical separation lang ang nangyari at legal pa rin kayong kasal
Subukan mong humingi ng tawad sa kanya kung may komunikasyon pa rin kayo. Pero bago iyan, dapat may determinasyon ka ng iwaksi ang iyong pagiging sosyalera.
Nawa ay maging aral ito sa ibang kababaihang may katulad mong attitude.
Dr. Love
- Latest