Iniwan uli ng ama
Dear Dr. Love,
Ako po si Arnelia. Ako raw po ang dahilan kung bakit naghiwalay ang aking mga magulang. Iniwan ng papa ko si mama dahil hindi raw ako tunay na anak ni papa. Nalaman ko lang ito sa tita ko. Itinuring ako ni papa na isang sumpa para sa aming pamilya.
Anak ako ni mama sa ibang lalaki. Aminado naman ang aking ina na nagkamali siya. Pero hindi na sila nagbalikan. Wala pa noon sa isip ko ang naging sitwasyon namin ni mama. Pero habang lumalaki ako, dumating din ang sandali na naghahanap ako ng isang ama.
Inilihim ni mama ang nangyayari noon sa kanila ng kinamulatan kong ama, maging ang tungkol sa aking tunay na papa.
May mga araw na nakikita kong umiiyak si mama. Kapag tinatanong ko siya, ang lagi lang niyang sinasabi ay huwag akong mag-alala. Nawalan na siya ng sigla sa buhay at lagi na lang natutulala.
Sa ngayon, natatakot ako sa mga lalaki baka gawin din nila sa akin ang naging tadhana ni mama.
Arnelia
Dear Arnelia,
Hindi naman lahat ng lalaki ay tulad ng mga ama mo. Pero mahalaga na maging maingat sa ating mga desisyon. Tulungan mo ang iyong mama na makayanan ang sakit na dulot ng kanyang kamalian.
Patatagin mo ang kalooban niya at ikaw ang gumawa ng paraan para maibalik ang sigla sa kanya. Kasama mo ako sa panalangin.
DR. LOVE
- Latest