Walang love at first sight
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Nathalia, 17 anyos at dalaga pa.
Sa kasagsagan ng pandemya, nauso ang pagpapa-deliver ng pagkain dahil bawal ang lumabas at iniiwasan natin ang virus. Dito ko nakilala si Martin. Nagkakilala kami nang umorder ako ng pagkain sa isang fast food restaurant at siya ang nag-deliver nito.
Mukhang very charming siya nang ihatid niya ang pagkain na inorder ko. Ang ganda ng kanyang ngiti lalo na ang kanyang mapuputi at malinis na ngipin. Iyan ang type ko sa lalaki.
First time niya palang mag-deliver ay inusisa ko na siya. Isa siyang working student at pangarap niyang maging abogado. Mula noon, madalas kaming nag-uusap sa text. Two weeks lang ang lumipas at nagkarelasyon kami.
Dr. Love, dati hindi ako naniniwala sa love at first sight. Ngayon, personal ko itong naranasan. I’m so sure about myself na in love ako kay Martin.
Nang malaman ng mga parents ko na sinagot ko siya, pinangaralan nila ako. Kahit ang mga kaibigan ko ay pinagsasabihan ako na kilalanin ko muna siyang mabuti.
Tama ba ang payo nila?
Nathalia
Dear Nathalia,
May sarili kang isip na dapat gamitin. Common sense ang tawag d’yan. Batay sa right reasoning, dapat ay kilalanin mo muna siyang mabuti. Wika nga, mahirap na ang mapahamak.
Ang nararamdaman mo ay hindi love at first sight, kundi attraction at first sight lang. Normal iyan lalo na sa mga teenagers na gaya mo. Pero hindi nangangahulugan na porket normal ay tama na ang iyong ginagawa.
Kailangan mo pa rin ang paggabay ng iyong mga magulang dahil wala ka pa sa age of accountability. Ang boyfriend mo ay nasa tamang gulang na. Alam mo ba na kung may malalim na mamagitan sa inyong dalawa, kahit pa nagpaubaya ka ay magiging liable siya sa statutory rape dahil ikaw ay isang minor de edad?
Manatili muna kayong magkaibigan. Dahil se-venteen ka pa lang at sa paglipas ng panahon ay puwedeng magbago pa ang nararamdaman at desisyon mo.
Dr. Love
- Latest