‘Di tanggap ang bunga ng kataksilan ni Misis
Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang pagbati ang ipinaaabot ko sa iyo. Tawagin mo na lang akong Bojie, 36 anyos. Hiwalay po ako sa aking asawa na sumama sa ibang lalaki at iniwan sa aking poder ang aming nag-iisang anak.
Halos sumabog ang aking dibdib sa kataksilang ito ng asawa ko, dahil ako’y tapat na nagmahal sa kanya.
Wala naman marahil mister na hindi masasaktan sa ganyang ginawa niyang pagtataksil. Tatlong taon siyang nakisama sa lalaking iyon at nagka-anak sila ng isa. Pero iniwanan na siya ng lalaki at ngayo’y lumalapit sa akin para humingi ng tawad.
Kung sana babalik siyang mag-isa, marahil ay kaya ko siyang patawarin. Pero karay-karay niya ang anak niya na bunga ng kanyang kataksilan.
Isa po akong born again Christian at ang payo ng aming pastor ay bigyan ko siya ng tsansa. Mabigat para sa akin ang desisyong tanggapin siyang muli. Ano po ang maipapayo ninyo?
Bojie
Dear Bojie,
Ang pag-ibig sa atin ng Panginoon ay walang ipinapataw na kondisyon. Kapag nagkasala tayo at humingi ng tawad, ang sabi ng Bibliya hindi nagtatago ang Diyos ng record ng ating naging pagkakasala. Ibig sabihin, ano man ang ating kasalanan at gaano ito kabigat, buong-buo ang pagpapatawad sa atin ng ating Panginoon.
Kung papaano siya magpatawad, dapat ganyan din tayo dahil tayo ay kanyang mga anak.
Tungkol sa anak niya sa pagkakasala, maaaring mabigat itong tanggapin pero bilang isang Kristiyano, subukan mong gawin ito dahil una sa lahat, walang kasalanan ang bata.
Kaya mong gawin iyan with the grace of God na naghahari sa iyong puso. Ang karanasan mong ito ay malamang pagsubok ng Diyos sa iyong pananampalataya kaya ipakita mo sa ating Panginoon na kaya mong sumunod sa kanyang iniaatas sa iyo.
Dr. Love
- Latest