Kambal
Dear Dr. Love,
Bago ang lahat ay bumabati muna ako ng masaya at mabiyayang araw sa iyo. Tawagin mo na lang akong Anita, isa nang biyuda sa gulang kong 27. Halos wala pang isang taon matapos akong ikinasal noong ako’y 21 anyos ay namatay na sa cancer sa sikmura ang asawa ko.
Nagsilang ako ng aming anak na wala nang kinamulatang ama. May kakambal ang aking asawa na kamukhang-kamukha niya na nanliligaw sa akin.
Sabi niya, hindi pa siya nag-aasawa dahil ako ang mahal niya at may crush na siya sa akin noon pang nabubuhay ang kanyang kapatid.
Pati ugali at boses ay magkaparehas sila, maliban lang sa ang yumao kong asawa ay may maliit na nunal sa baba.
Two years pa lang akong biyuda ay nagtapat na siya sa akin at maging ang mga biyenan ko at iba niyang kapatid ay pabor.
Pero kahit magkamukha sila, parang may sumbat sa aking budhi na maging asawa ko siya dahil para kong pinagtaksilan ang aking asawa.
Tama ba ang nararamdaman ko?
Anita
Dear Anita,
May nararamdaman ka bang pag-ibig sa kanya? Kung talagang wala ay bakit mo nga siya tatanggaping maging kapalit ng yumao mong mister kahit pa magkawangis sila sa maraming bagay?
Pero kung mahal mo siya at napipigilan ka lang ng damdamin na para kang nagtataksil sa iyong asawa, sasabihin kong walang dahilan para maramdaman mo ang ganyan.
Tiyak ko na sa kabilang buhay ay matutuwa pa ang iyong asawa dahil kakambal pa niya ang magiging mister mo at parang hindi siya nawala sa iyong buhay.
Dr. Love
- Latest