Mahal pa rin kahit patay na
Dear Dr. Love,
Hi po. Tawagin n’yo na lang akong Marie, 24 anyos. Dalawang taon nang patay ang boyfriend kong si Manny. Wala akong ibang minahal sa aking buhay maliban sa kanya.
Tuwing araw ng Sabado ay dinadalaw ko ang kanyang puntod kahit hindi undas at nadarama ko pa rin ang sakit ng kanyang pagkawala.
Kasi naman, grade 6 pa lang kami ay magkaibigan na kaming matalik. Nagkaligawan kami nung high school at naging magkasintahan.
Hindi kami nagpakasal agad dahil matayog ang pangarap niya. Gusto niyang makatapos ng pag-aaral at maging successful lawyer. Handa naman akong maghintay.
Kaso, two years ago nabaril siya ng isang thrill killer. Halos mabaliw ako sa pangyayari. Kahit patay na siya ay nagpakasal kami. Nakakatawa pero totoo. May paring nag-officiate ng kasal sa aming dalawa sa kanyang burol.
Bakit ganun? Hanggang ngayon ay mahal na mahal ko siya. Tama ba ang nadarama ko?
Marie
Dear Marie,
Tinatanong mo kung tama ang nadarama mo? Mahirap husgahan ang damdamin dahil hindi mo naman ginustong damhin iyan.
Ang mali ay ang pagsasara mo ng puso mo sa tawag nang pag-ibig. Palagay ko, kung nakikita ka ng boyfriend mo ngayon, mas liligaya siya at matatahimik kung makikita ka niyang maligaya.
Harapin mo ang katotohanang iniwanan ka na niya at para sa ikatatahimik ng kanyang kaluluwa, magsimula ka nang mamuhay ng normal. Mag-entertain ka ng mga manliligaw at tiyak ko na may ibang lalaki riyan na mamahalin mo.
Dr. Love
- Latest