Binabalikan ni Solomon
Dear Dr. Love,
Sa kabila nang babala ng mga kaibigan ko na dating drug addict si Solomon, hindi ko hiniwalayan ang tatlong taon ko nang ka-live in.
Nagpa-rehab siya at ipinakiusap sa akin ng kanyang ina na tutukan ang kanilang anak para hindi na bumalik sa dating bisyo. Laking pasasalamat ko na sana sa naoobserbahan na magandang pagbabago kay Solomon.
Iniwasan niya ang mga barkadang nagbuyo sa kanya sa bisyo. Natuto rin siya sa mga gawaing bahay. Nagluluto, naglalaba at naglilinis ng bahay. Dito niya ibinuhos ang oras niya dahil walang mapasukang trabaho.
Pero kalaunan ay naging masyadong mainitin ang ulo niya. Kahit sa maliit na bagay ay binubulyawan niya ako at lagi siyang aburido. ‘Yun pala nagkakandawalaan na ang mga gamit sa kanilang bahay dahil balik na naman siya sa dating gawi. Malaki na ang nagagastos ko sa kanya sa pagpapa-rehab.
Nitong huli, sinabi niyang gusto na niya kaming magka-baby pero tumanggi ako dahil sa sitwasyon namin. Wala siyang trabaho at wala sa ayos. Hindi ako pwedeng pumirmi sa bahay sa ganitong kalagayan. Ipinanlisik ito ng kanyang mata at nag-ambang susuntukin ako. Sa takot ko ay humahangos akong palabas ng bahay at mula noon ay hindi na ako bumalik sa tinitirhan naming apartment.
Sa tulong ng isang kaibigan, nag-abroad ako at namasukan bilang kasambahay. Ang balita ko ay pinaghahanap ako ni Solomon at gustong makipagbalikan. Pero ayaw ko na.
Salamat po sa pagpapaunlak ninyo sa sulat ko. More power.
Gumagalang,
Helen
Dear Helen,
Madalas kong mabanggit na hindi ako pumapabor sa live-in dahil ang laging dehado d’yan ay ang mga babae. Para sa akin, pinakamabuti na tuluyan mo nang kalimutan si Solomon at ganap na bumuo ng panibagong buhay. ‘Yung relasyon na hahantong sa panghabang-buhay na commitment, sa ilalim ng kasal na siyang makatwiran sa mata ng tao, lalo sa Dios.
DR. LOVE
- Latest