Huwag agad maniwala sa tsismis
Dear Dr. Love,
Malugod akong bumabati sa inyo ng mabiyayang araw. Tawagin mo na lamang ako sa pangalang Mildred, 28-anyos at may-asawa.
Tungkol sa aking mister ang aking problema na nabalitaan kong may kinalolokohang GRO. Kaya pala bigla siyang nagbago.
Noong una kasi ay uliran siya at maagang umuwi ng bahay. Nitong mga nakaraang araw ay madalas na siyang gabihin at laging ikinakatuwiran na maraming gawain sa opisina.
Naaawa po ako sa dalawa naming anak kung masisira ang aming pagsasama. Nang usisain ko siya minsan kung totoo ang mga nababalitaan ko, itinanggi niya. Bakit daw wala akong tiwala sa kanya.
Naguguluhan tuloy ako Dr. Love. Limang taon na kaming mag-asawa at ngayon lang siya nagkaganyan. Pagpayuhan mo sana ako kung ano ang dapat gawin.
Mildred
Dear Mildred,
Ang hirap lang ay hearsay ang balita mo tungkol sa pambababae ng iyong asawa.
Gumawa ka ng sarili mong pagsisiyasat, Kung GRO ang kinalolokohan niya, alamin mo kung saang club siya madalas at tiktikan mo.
O kaya naman, bisitahin mo siya sa kanyang opisina sa oras na sinasabi niyang nagtatrabaho pa siya.
Huwag ka agad maniniwala sa mga tsismis dahil madalas, ang mga palsipikadong balita ay nagiging ugat ng pagkasira ng relasyon ng mag-asawa.
Dr. Love
- Latest