Mahal ang best friend ng ex-bf
Dear Dr. Love,
Bakit po kaya ngayong natagpuan ko na ang lalaking pangarap kong maging boyfriend, saka ako dumaranas ng pagkadismaya?
Hindi ko alam kung bakit niya ako iniiwasan matapos magkabistuhan na type ko siya gayong dati naman kaming close friend ni Marlon.
Si Marlon ay barkada ng aking ex at nang magkalas kami ng relasyon ni Brixx, si Marlon pa ang siyang umaalo sa akin at boluntaryong namagitan sa aming dalawa para kami ay magkabati at manumbalik ang dating sweetness ng aming pagtitinginan.
Sa aming pag-uusap noon ni Marlon, tinanong niya kung mayroon pang tsansang magkabalikan kami ng kanyang kaibigan. Sa kabiglaanan, nasabi ko tuloy ang tunay na nasa puso ko. Na wala na akong amor kay Brixx dahil siya na ang mahal ko.
Hindi ko akalain na maipagtatapat ko sa kanya ang niloloob ko. Hindi agad nakapagsalita si Marlon at tinanong kung nagbibiro ako.
Lantaran na rin lang, sinabi ko na totoo ang sinabi ko kaya nga lang kako, hindi siya nakakahalata.
Nag-sorry siya dahil hindi niya raw magagawang manulot ng siyota ng isang matalik na kaibigan. At bago siya umalis, sinabi niyang mahal talaga ako ni Marlon. Iniyakan ko po ng sobra ang nangyaring ito.
Nilayuan na ako ni Marlon at kahit anong tawag ko sa kanya, ayaw niya akong kausapin.
Hindi naman niya sinabing wala siyang damdamin para sa akin at ito ang pilit kong iniaalo sa sarili. Umaasa pa rin ako na sa kalaunan, kapag nagkalimutan na ang isyu sa aming break-up ni Brixx, babalikan ako ni Marlon.
Dapat pa ba akong umasa, Dr. Love? Mayroon ba akong puwang sa puso ng best friend ng ex-boyfriend ko?
Gumagalang,
Joy
Dear Joy,
Sa pagkakasalaysay mo, nakapagdesisyon na si Marlon. Hindi siya ang tipong manunulot ng girlfriend, lalo na ng kanyang best friend. Kaya pinakamabuti na explore your world at makihalubilo ka sa iba pang kaibigan, baka sakaling doon mo makilala ang lalaking tutulong sa iyo para makuha ang kaligayahang hinahangad sa buhay.
Dr. LOVE
- Latest
- Trending