Nagsalawahan
Dear Dr. Love,
Hi, Doc. Isang mapagpalang araw sa iyo at pati sa mga mambabasa mo.
Tawagin mo na lang akong Bernard, 26- anyos. Mayroon akong kasintahan. Tawagin mo na lang siyang Ditas.
Mula pa sa high school ay girlfriend ko na si Ditas at hanggang pareho kaming matapos sa college ay kami pa rin.
Akala ng iba ay magkakatuluyan kami dahil halos sampung taon na ang aming relasyon.
Pero mataas ang pangarap ko para sa aming dalawa. Hindi ko siya pinakasalan at nagkasundo kami na magtatrabaho ako sa Saudi Arabia. Civil engineering kasi ang tinapos ko at na-attract ako sa malaking offer ng isang kompanya sa Saudi.
Sabi ko kay Ditas ay magtatrabaho muna ako sa Saudi ng dalawang taon para makapag-ipon kami.
Noong una ay okey ang pagsusulatan namin. Pero matapos ang isang taon ay hindi na siya sumasagot sa mga sulat ko at kahit sa email.
Nabalitaan ko na nag-asawa na siya. Parang nag-iba ang lahat ng pinapangarap ko para sa amin. Pati sa trabaho ay nawalan na ako ng gana kaya umuwi na lang ako. Ngayon ay lagi akong umiinom ng alak kasama ang aking mga kaibigan. Palagi ang gimmick para makalimot.
Paano ko siya malilimot, Dr. Love?
Bernard
Dear Bernard,
Wala ka nang magagawa kaya huwag mong sirain ang kinabukasan mo. Mabuti nga ay nakita mo habang maaga ang pagiging salawahan niya. Blessing in disguise iyan.
Paano kung nagpakasal kayo at kinaliwa ka niya?
Huwag mong pahintuin sa pag-inog ang mundo dahil lang sa kanya. Move on, Bernard.
Dr. Love
- Latest