Guarantor sa utang
Dear Dr. Love,
Bumabati ako sa inyo sa lahat ng mga tagasubaybay ng iyong column. Itago mo na lang ako sa pangalang Lily.
Ako po ay may asawa at dalawang anak. Ang problema ko po ay ang aking malaking obligasyon na hindi alam ng mister ko. Umutang ng malaking halaga ang isang matalik na kaibigan at ako ang nag-guarantor. Pero bigla siyang nawala at magdadalawang taon na ang utang na ‘yon at ako ang nagbabayad.
Dahil delinkuwente ako sa pagbabayad ay patong nang patong ang interes nito.
Nagpasaklolo na ako sa kapatid ko pero wala rin siyang pera at wala na akong ibang malalapitan. Mayroon din kasi siyang pamilya at hindi naman malaki ang suweldo.
Nade-depressed ako Dr. Love at naiisip kong magpakamatay na.
Awaiting your kind advice.
Gumagalang,
Lily
Dear Lily,
Iwaksi mo sa isip ang ideyang pagpapakamatay dahil wala riyan ang kalutasan. Masyado kang sakim kapag ginawa mo iyan dahil iiwanan mo ng malaking responsibilidad ang mauulila mong pamilya.
Ang pinakamabuting magagawa mo ay ipagtapat mo na sa asawa mo ang problema. Iyan ang tungkulin ng mag-asawa sa isa’t isa. Magtulungan.
Makiusap ka rin sa pinagkakautangan mo na kung maaari ay tugisin ang kaibigan mong nagtatago na. Ipagharap siya ng demanda kung mayroon siyang inisyung tseke sa pangungutang.
Kahit best friend mo pa siya, tumulong ka sa paghahanap dahil isa siyang kaibigang hudas na nagkanulo sa iyo.
Dr. Love
- Latest