Obligasyon ang half sister
Dear Dr. Love,
My warmest greetings to you and every member of the PSN staff.
Lumiham po ako sa inyo upang isangguni ang problema ko. Tungkol po ito sa obligasyong inatang ng aking pamilya para sa pagpapagamot sa aking kapatid sa ama.
Walang sapat na kakayahan ang mga magulang ko para tustusan ang gamutan ni ate sa mental hospital. Napahamak ang kapatid ko dahil sa bawal na droga at marahil dulot ng dalawang beses niyang pagkasawi sa pag-ibig kung kaya nagkaroon siya ng depression.
May pamilya na po ako ngayon at lumalaki ang pangangailangan kaya nahihirapan na po ako sa obligasyong ibinigay sa akin ng aking pamilya. Isa pa, kung noong una ang asawa ako pa ang pumipirma ng tseke para sa gamutan ni ate, ngayon ay pinagmumulan ng pagtatalo namin ang tungkol dito dahil nagkakaproblema na talaga kami financially.
Nakokonsensiya naman akong pabayaan na lang ang half sister ko. Ano po ang dapat kong gawin? Dapat bang obligahin ko ang aking asawa na maki-share sa obligasyon ko sa aking pamilya? Hanggang kailan ko po dapat pasanin ang obligasyong ito?
Gumagalang,
Ma. Danna Christina
Dear Ma. Danna Christina,
Hindi mo naman kailangan pasanin ang isang obligasyong pampamilya kung wala ka nang kakayahan na punan ito. Bakit hindi mo i-open ang tungkol diyan sa iyong pamilya. Maaaring may magandang rekomendasyon sila na makakatulong hindi lang para sa ate mo kundi maging sa iyo.
Huwag mo hayaang pagmulan ng sigalot sa pagitan ninyong mag-asawa ang problema sa obligasyon ng iyong pamilya. Para sa akin, hindi rin magiging makatwiran kung oobligahin mo ang asawa mo na magbigay gayong para sa sarili mong pamilya ay nagkakaproblema na kamo kayo.
Kung hanggang kailan mo papasanin? Ikaw lang ang makakapagdesisyon niyan.
DR. LOVE
- Latest