Nagpapantasya lang
Dear Dr. Love,
Hindi ko po alam kung maiinis ako o kung maaawa sa isang kasamahan ko sa dorm na mataas ang pride at ayaw patalbog sa ibang kasamahan namin na pawang mga de kotse ang sumusundo at naghahatid na boyfriend kapag lumalabas sila at may date sa araw na walang pasok.
Si Adelia ay isang kababata ko mula sa Bisaya at sa aking dorm siya pinatira ng kanyang mga magulang. Gusto nilang may kakilala at maÂpagkakatiwalaang makasama dahil unang pagkakataon ito na malayo siya sa magulang.
Palaging tinatanong ako ni Adelia kung sa palagay ko ay pwede na siyang tumanggap ng manliligaw. Pinayuhan ko siyang huwag magmadali dahil may tamang panahon ang lahat ng bagay.
Minsan siyang nagkwento sa akin na may nakilala siyang architecture student na tsinito at ang kasunod ay talagang nagpamangha sa akin, punpon ng mga bulaklak ang tinanggap niya. Nakisaya na rin ako kay Adelia, nasundan pa ito ng mga kahon ng chocolates.
Nagsimula lang akong magduda nang maÂlapit na ang araw ng aking debut, nagsabi siyang hihiramin ang nakababata kong kapatid para siya niyang maging escort. Tinanong ko kung nasaan na ang architect na tsinito, iniiwas daw niyang malaman ito ng kanyang magulang.
Pero kusa talagang lumalabas ang totoo, Dr. Love. Nabisto ko siya nang minsang may maÂlaglag na resibo sa libro niya. Nang tingnan ko, resibo sa kalapit naming flowershop, na ang nagpadala ay pangalan ng nanay niya. Kung minsan naman ay pangalan ko. Never ko siyang padadalhan ng mga bulaklak.
Ano po ba ang dapat kong gawin sa natukÂlasan kong ito?
Gumagalang,
Ruth
Dear Ruth,
Gaya ng sinabi mo, kusang lumalabas ang katotohanan. Hayaan mo lang siyang kusang magising sa kanyang pagpapantasiya. After all, wala naman siyang napeperwisyo. Maaari sa paraan niyang ‘yun, nailalabas niya ang frustration niyang makatanggap ng mga bulaklak at chocolates.
DR. LOVE
- Latest





















