Sukob
Dear Dr. Love,
Totoo ba ang pamahiing mamalasin ang magkapatid na ikinakasal nang magkasukob sa taon?
Tawagin mo na lang akong Lina, 22-anyos at niyayaya nang magpakasal ng aking boyfriend sa Hunyo ng taong ito.
Pero ayaw ng aking mga magulang dahil ikinasal lang noong Enero ang kapatid kong lalaki. Mamalasin daw ang isa sa amin kapag magkasukob kami sa taon.
Bilang pagsunod sa aking mga magulang ay sinabi ko ito sa aking boyfriend at sinabi ko na kung puwede, sa Enero na lang nang taong 2015 kami magpakasal.
Ayaw niya at binalaan akong kung hindi ako susunod sa gusto niya ay mag-break na lang kami.
Naguguluhan ako ngayon. Ano ang gagawin ko?
Lina
Dear Lina,
Hindi ako naniniwala sa pamahiin. Isa pa, nasa tamang edad ka na para magpasya sa sarili at sa mga ganyang kaso ay hindi magulang ang nagpapasya kundi kayong magkasintahan.
Kausapin mo ang iyong mga magulang at ipilit mo ang gusto mo. Sabihin mong moderno na ang panahon ngayon at hindi na dapat maniwala sa mga pamahiin.
Kung tatanggi pa rin sila, sabihin mo na iyan ang inyong desisyong magkasintahan na hindi na puwedeng baguhin.
Dr. Love
- Latest