Inako ang pagiging ama
Dear Dr. Love,
Nauwi po sa pagdadalan-tao ang pakikipag-date ko kay Dante pero sa halip na siya, ang kapatid niya ang umaako sa responsibilidad.
Sumama po ako kay Dante kahit hindi pa kami mag-boyfriend, gusto ko lang po sanang alamin kung kursunada niya rin ako. Matagal ko na po kasi siyang crush. Pero matapos ang lahat ay lumayo na siya sa akin.
Hindi ko po maipagtapat ang nangyari sa mga magulang ko dahil alam kong malaking iskandalo ito sa aming lugar, konsehal po ang tatay ko at nag-aambisyong tumakbo ng mayor.
Duda ko po ang pag-aalok sa akin ni Jun na siya ang magiging ama sa aking ipinagbubuntis. Ang sabi niya ay matagal na siyang may gusto sa akin, nga lang inakala niyang nililigawan ako ng kapatid niya kaya hindi na siya nagpursige.
Hinihiling lang ni Jun ay ang katapatan ko. Dahil wala naman daw nakakaalam sa mga nangyari sa kanilang pamilya. Hindi naman daw siya mahirap mahalin at umaasa siya na mabubuo ang magandang pamilya para sa amin.
Naguguluhan po ako kung aayunan ko na ito, alang-alang sa aking pamilya, sa pamilya ni Jun at higit sa lahat para lumaking may ama ang aking anak. Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat at more power.
Gumagalang,
Ma.Teresa
Dear Ma. Teresa,
Ikaw lang ang makakaramdam kung buo ang sinseridad ng kapatid nang nakabuntis sa iyo sa kanyang mga sinabi, kaya ikaw lang din ang makakapagdesisyon kung nakahanda kang tanggapin ang alok niya.
Pero kung ako sa iyo, kung hindi mo rin lang matitiyak sa iyong puso na kahit katiting na pagtatangi sa kapatid ng ama ng anak mo…huwag kang magpatali. Dahil kadalasan sa mga relasyong walang pundasyon ng pagmamahal ay hindi rin nagiging maganda ang kahihinatnan.
Pag-isipan mong mabuti ang magiging desisyon mo para maiwasan na muli kang magkamali kung ano man ang pipiliin mong gawin.
Dr. Love
- Latest