Hindi nakuntento sa kargador
Dear Dr. Love,
Hello po! Kasama po ako sa mga masugid na tagasubaybay ng inyong column.
Gusto ko rin pong ibahagi ang aking naging kapalaran dahil sa pag-ibig. Taong 2006 nang matanggal ako sa pinagtatrabahuhan kong pabrika sa Marikina City. Napagbintangan akong nang-uumit kaya umuwi na lang ako sa aming lalawigan.
Ipinaalam ko sa asawa kong si Kassandra ang nangyari sa akin, ipinangamba niya kung paano na ang aming pang-araw-araw. Sinikap ko pong makahanap agad ng hanap-buhay at pinasok ang pagiging kargador sa palengke.
Pero hindi po sapat sa aming gastusin. Nauuwi lang sa maliit na inuupahan at pambili ng pagkain sa karinderya ang aking kita. Nagrereklamo pa si Kassandra na hindi na siya makabili ng pampahid niya sa mukha, lotion at iba pang pangangailangan.
Sinabi ko sa kanya na magtiis muna dahil hindi naman agad-agad akong makakakita ng magandang hanap-buhay. Inakala ko na hanggang dun lang ang magiging problema namin hanggang sa isang gabi na napaaga ako ng uwi ay dinatnan ko ang aking asawa na kahalikan ang anak ng aming kasera.
Sa pagdidilim ng aking paningin, sinaksak ko po ang lalaki at napatay. Tumakbo palayo sa takot na mapagbalingan ko si Kassandra, na siya ring nagturo sa akin sa mga pulis.
Naging masaklap man po ang lahat, nananatili ang aking pag-asa. Kumuha po ako ng bokasyonal dito sa loob. Gusto ko rin pong hingin ang tulong ninyo sa pamamagitan ng Dr. Love column na makahanap ng kaibigan sa panulat.
Hanggang dito na lang po at maraming salamat.
Lubos na gumagalang,
Joel Magugat
Student Dorm 4-C YRC
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Joel,
Sadyang may iba’t ibang kahinaan ang bawat isa sa atin. At sa kaso mo, naging marupok sa ibang lalaki ang iyong asawa. Gayunman, humahanga ako sa pananatiling positibo mo sa buhay. Magpatuloy ka at kasama mo ang Dr. Love sa panalangin para sa bagong buhay at katuparan sa pagkakaroon ng kaibigan sa panulat.
Dr. Love
- Latest
- Trending