Dear Dr. Love,
Mayroon po akong crush na dalaga, nakatira sa townhouse na malapit sa aming bahay sa isang subdivision sa Quezon City. Humanap ako ng paraan para makilala ko siya at pinalad namang kaibigan pala ng utol ko ang kapatid ng crush ko.
Mula nang maging magkaibigan kami ni Mimi, lagi ko siyang tinatawagan lalo na kung wala kaming pasok sa eskuwela. Inimbita ko rin siya para maging partner ko sa aming junior seniors’ prom sa paaralan. Sa palagay ko po nahulog na rin ang loob ni Mimi sa akin pero trying hard to get pa rin siya nang magtapat ako ng feelings ko para sa kanya.
Wala na sanang problema kundi lang umuwi ang uncle ko kasama ang dalawa niyang anak, sina Deb at Byron. Nakursunadahan ni Byron si Mimi at hindi naman maikakaila ang excitement ni Mimi tungkol sa kanya.
Sa dalawang linggong bakasyon nila, halos magkasama lagi sila sa lakaran. Hindi naman ako makasama kasi may exams ako. Wala akong magawa sa pagiging malapit nila dahil manliligaw rin ako ni Mimi. Nang bumalik sila ng Chicago, panay ang overseas call ni Byron kay Mimi.
Ano po kayang mabuting gawin ko Dr. Love para manumbalik ang dating magandang pagtitinginan namin ni Mimi? Talaga kayang nahulog na ang loob niya sa pinsan ko? Hindi ko tuloy maungkat sa kanya kung ano na ang lagay ng aking panliligaw sa kanya. Payuhan mo po ako.
Maraming salamat at more power to you.
Gumagalang,
Vince
Dear Vince,
Huwag mo masyadong seryosohin ang panliligaw mo sa iyong crush. Pare-pareho pa kayong nasa estado ng paghanga sa mga taong nakikilala ninyo every step of the way.
Anong malay mo, gaya ng kagustuhan mo na lumipas ang closeness nila Mimi at Byron kahit pa nag-o-overseas call sila, bigla na lang din magbago ang pagtatangi mo sa kanya. Kaya pinakamabuti, don’t expect to much, hayaan mo lang si Mimi.
Dahil in right time kung talagang nakalaan kayo para sa isa’t isa ni Mimi, magiging kayo pa rin kahit ilang Byron pa ang umiksena. Take your time, most importantly focus to your studies.
Dr. Love