Dear Dr. Love,
Ikubli mo na lang ako sa tawag na Martir. Iyan kasi ang kantiyaw sa akin ng aking mga magulang at kapatid pati na ng aking mga kaibigan.
Masyado ko kasing mahal ang aking asawa sa kabila ng kanyang pambababae. Madalas, dalawang beses lang kami sa isang linggo kung magkita dahil ang balita ko, dalawa ang kanyang babae.
Pero mahal na mahal ko siya. Katunayan, nakakahiya mang sabihin ay ako ang nanligaw sa kanya. Tinukso ko siya kaya nang magalaw ako’y nagkaroon ako ng panlaban sa kanya na dapat niya akong panagutan.
Pinakasalan ako ng wala siyang pag-ibig sa akin. Kaya wala akong magawa ngayon kundi ang magtiis. Mabait naman siya at ‘di nagkukulang ng sustento sa akin at dalawa kong anak sa kanya.
Ngunit nasasaktan ako sa ginagawa niya. Dapat ko bang ituloy ang pagka-martir ko?
Martir
Dear Martir,
Hindi mo man sabihin, tatawagin ko ang ginawa mo sa asawa mo na “pagpikot”. Nagpakasal siya sa iyo dahil napilitan lamang bunga ng ginawa mong panunukso sa kanya.
Mag-asawa lang kayo in the sense na nagpirmahan kayo ng kasamyento. Pero matatawag lamang na mag-asawa ang isang couple kung may namamagitang pag-ibig. Sa kaso mo, ikaw lang ang nagmamahal sa kanya.
Puwedeng mapa-annul ang kasal ninyo pero ang inisyatibo ay dapat sa kanya manggaling. Ang pamimilit na magpakasal ay isang matibay na ground upang ideklarang hindi balido ang kasal.
Ang huling desisyon ay nasa inyong dalawa kung ibig ninyong ituwid ang inyong buhay.
Dr. Love