Dear Dr. Love,
Salamat sa pagpapaunlak mo sa sulat ko at sana’y datnan ka sa mabuting kalagayan.
Isa rin ako sa libo-libo mong readers na may problema sa puso. Tawagin mo na lang akong “Inday” 25 anyos at dalaga pa. Wala akong manliligaw dahil hindi ako maganda. Minsan nalulungkot ako dahil isinilang akong kapos sa kagandahang panlabas.
Isa lamang akong katulong sa bahay at lalong sumasama ang loob ko kapag nakakita ako ng guwapo na type ko. Kahit gusto kong mapansin, hindi ako pinapansin dahil sa anyo ko. Hindi naman ako puwedeng magpakita ng motibo dahil ayokong lumabas na mumurahing babae.
Ano ang gagawin ko?
Inday
Dear Inday,
Walang pangit na nilikha ang Diyos. Ang kapangitan at kagandahan ay nasa isip lang ng tao pero sa mata ng Diyos, lahat ay pantay-pantay. Ang pinaka mahalagang katangian ng tao ay ang gandang panloob. Isang uri ng kagandahang hindi kumukupas.
Manatili ka lang na nananalig sa Diyos at may mabuting kalooban. Hindi pa lang marahil dumarating ang takdang panahon para dumating ang isang prince charming na magmamahal sa iyo. Magtiyaga ka lang maghintay at tama ka, huwag kang magpapakita ng motibo dahil ang ganyan ay matatawag na sukdulang kapangitan ng sino mang gagawa nito.
Dr. Love