Dear Dr. Love,
Hangad ko na sa pagsayad sa palad mo ng aba kong sulat ay nasa maayos kang kalagayan.
Ako po si Lagring, 55 anyos at ang asawa ko ay stroke victim. Limang taon na siya sa ganyang kalagayan at hindi na makapagtrabaho.
Umaasa lang kami sa anak naming babae na may asawang Briton na nagpapadala sa amin ng sustentong P15,000 isang buwan.
Problema ko ay ang aking asawa dahil desperado na sa kalagayan niya at madalas sabihing ibig na niyang mamatay. Dati siyang pulis bago ma-stroke at noon ay mabuti ang aming kabuhayan.
Ang kaunting disability benefit niya ay mabilis ding nauubos dahil sa kailangan niya ng gamot at regular na checkup.
Ano ang gagawin ko para ma-motivate ko siya para maalis ang pagka-desperado?
Lagring
Dear Lagring,
Ganyan talaga ang isang taong nagkaroon ng biglaang disability. Diyan mo lalong dapat ipadama ang pagmamahal mo sa kanya.
Basahan mo siya ng mga inspirational stories ng mga taong naka-overcome sa mga problemang kagaya ng sa kanya.
Basahan mo rin siya ng mga talata sa Biblia na nagbibigay ng pag-asa sa mga taong nasa situwasyon niya.
Marami akong kilalang na-stroke at mabagal nang maglakad at bulol magsalita pero hindi sumusuko. ‘Yung iba’y may trabaho pa at kumikita. Hangga’t may mga bagay pa siyang puwedeng gawin, hindi siya dapat mawalan ng pag-asa.
Dr. Love