Nahilig sa sosyalan si misis
Dear Dr. Love,
Problema ko po ngayon ang aking asawa na nahilig na sa sosyalan. Bago po ito ay malimit siyang magreklamo tungkol sa pag-uwi ko ng gabi. Malimit po kasi akong mag-meeting ng late sa gabi, kasama na ang diner sa mga kliyente ng aming ahensiya. At kailangan ko pong kumayod ng husto para matugunan ang lumalaking pangangailangan ng aming pamilya.
Sa madaling sabi, naging workaholic po ako. Habang sa madalas na kahihintay ng aking asawa sa aking pag-uwi, humanap ng mapaglilibangan si Ruby. Noong una, pumapasyal lang siya sa kanyang kapatid bitbit ang aming bunso na 5 taong gulang pa lamang. Ang hindi ko alam ay may madyungan pala doon ang mga barkada ng kapatid niya. Na may abala ring mister sa pagtatrabaho.
Nang kalaunan, nadadatnan ko na sa bahay namin ang korum ng mga babaeng nagmamadyong. Pero nagsawalang-kibo ako dahil libangan lang naman niya ito at paminsan-minsan lang. Pero nang napapadalas na ang ingay at ang usok ng sigarilyo ay nakakairita na sa mga bata, nanita na ako. Bukod pa ang pagpapa-inom niya ng wine collection ko sa mga bisita niya.
Nahinto na ang madyong sa bahay pero nalipat naman ito sa bahay ng iba niyang kasama. Palagi na uling hindi ko nadadatnan sa bahay si misis at napapabayaan na niya ang groceries na kailangan sa bahay at pagtuturo ng homework sa mga bata. Nakaray na rin siya sa ballroom dancing at casino ng kanyang mga kasama.
Ang sabi sa akin ni Rosy, naglilibang lamang siya dahil napabayaan ko na raw siya. Pero Dr. Love, trabaho naman po ang pinagkakaabalahan ko. Malimit na po kaming mag-away, lalo na kapag binabawalan ko siyang umalis kung hindi ko alam kung saan siya pupunta. Payuhan mo po ako Dr. Love. Hindi ko alam kung paano ko ibabalik ang dati kong asawa dahil sa ngayon, parang hindi ko na siya kilala. Masyado na siyang sosyal kahit sa pananamit at ugali.
Maraming salamat sa pagbibigay pansin ninyo sa aking liham.
Lubos na gumagalang,
Dante
Dear Dante,
Lahat ay madadala sa masinsinang pag-uusap. Kaya buksan mo ang komunikasyon sa iyong asawa. Sabihin mo sa kanya ang mga na-realize mo ay ang hakbang mo para mabago ito. Ipakiusap mo rin sa kanya ang mga bagay na gusto mong baguhin niya.
At ang pinakamahalaga, sa bawat araw ay ipakita mo sa kanya na hindi lang hanggang salita ang mga sinabi mo. Para hindi man biglaan ay unti-unti mong ma-touch ang kalooban ng iyong asawa hanggang sa tugunin niya ang mga pakiusap mo, alang-alang sa inyong mga anak. Sana’y huwag mong kakalimutan ang leksiyon na itinuro sa iyo ng hindi balanseng pagharap sa trabaho at obligasyon sa iyong kabiyak sa buhay.
Dr. Love
- Latest
- Trending