Sumbat ng kahapon
Dear Dr. Love,
Hindi ko na po sana nais na gunitain ang pangyayaring unang naging batik sa aming pagsasama ng aking asawa na si Miguel.
Napatawad na niya ako at natanggap na rin niya ang naging bunga ng pagkakamali ‘kong iyon. Pero ang anak ko, hindi niya ako napatawad. Nagrebelde siya at lumayas. Nakatira siya ngayon sa mga magulang ko sa probinsiya.
Ang panganay ‘kong si Ben ay bunga ng muling pagku-krus ng landas namin sa state ng dati ‘kong boyfriend. Mag-asawa na kami ni Miguel non dahil bago pa ako umalis para mag-caregiver ay nagpa-secret marriage kami.
Marahil, pareho kaming malungkot na nalayo sa mga mahal sa buhay kung kaya’t muling nabuhay ang aming dating pagtitinginan. Ang aming lihim na pagtatagpo ay nagbunga. Tumanggi siyang tulungan ako lalo pa nga’t nakarating na pala sa kanyang asawa ang aming lihim dahil isinumbong ito ng kanyang tiyuhin na kanyang tinitirahan. Ipinagtapat ko sa aking amo ang problema at kahit takot, maging kay Miguel. Pero sinabi ko na biktima ako ng rape.
Pero ang lihim ng kahapon ay kusang lumilitaw, anuman ang gawing paglilihim. Iba ang trato ni Miguel kay Ben kumpara sa tatlong tunay naming mga anak. Gayundin ng mga kamag-anak niya. Iyon na ang simula ng kanyang pagrerebelde at pagkaraan naglayas na ang aking panganay.
Sa aking ina nalaman ni Ben ang tungkol sa kanyang tunay na pagkatao. Dahil kay Inay ko lang ipinagtapat ang lahat. Ano po ang aking gagawin? Nangangamba ako para sa pag-aaral ni Ben, matalino pa naman siya. Payuhan mo po ako.
Maraming salamat at God bless you always.
Delma
Dear Delma,
Maging tapat ka sa iyong mga mahal sa buhay. Una sa iyong asawa at higit sa lahat para kay Ben. Gawin mo ito bago pa tuluyang masira ang kinabukasan niya.
Bilang mag-asawa dapat pagtulungan ninyo ang pagpapabuti sa inyong mga anak, kasama si Ben dun. Pinakamabuti na isama mo si Miguel sa pagsundo sa iyong panganay na anak. Ito ang tamang pagkakataon para bumawi ka sa iyong anak.
DR. LOVE
- Latest
- Trending