Adik ang boyfriend
Dear Dr. Love,
Bumabati po ako sa inyo ng isang mainit na pagbati. Susan po ang pangalan ko, 46 anyos at namumroblema sa anak kong babae.
Mahirap lang kami at naninirahan sa isang squatter area dito sa Tondo.
Ang anak ko ay 17 anyos lang at may boyfriend na isang sanggano at addict. Pinagbabawalan ko siya at pinagsasabihan pero hindi maawat.
Ang pangamba ko, lagi siyang nawawala kapag gabi at madaling araw na umuuwi. Kinagalitan ko siya at pinalo, bagay na ikinagalit niya at siya ay naglayas.
Nabalitaan ko na lang na nagsasama na sila ng sanggano niyang boyfriend. Ano ang gagawin ko? Hirap na hirap na ako sa kakaisip.
Susan
Dear Susan,
Menor de edad pa ang anak mo at may poder ka pa sa kanya. Pero mukhang mahirap iyan lalo pa’t love affair ang pinag-uusapan.
Gayunman, nakakatakot na nakikipag-live-in siya sa isang sanggano at addict. Baka mapahamak siya.
Nasaan ang asawa mo? Siya ang dapat tumulong sa iyo sa problemang ito. Kung hindi dumulog ka sa mga alagad ng batas at humingi ng tulong.
Dr. Love
- Latest
- Trending