Salawahang puso
Dear Dr. Love,
Noong buhay pa si Inay, ang laging pangaral niya huwag na huwag akong manloloko ng babae. Liligawan at paiibigin saka iiwanan. Pangako ko iyon sa kanya dahil sabi niya, ang ganitong sitwasyon ay hindi niya gustong mangyari sa sarili ‘kong mga kapatid na babae.
Ito po ngayon ang aking dilemma. Dumating sa buhay ko ang isang babae na kinatagpuan ko ng lahat na katangiang gusto ko sa babaeng pakakasalan at maging ina ng aking mga anak. Pero huli na ito dahil mag-on na kami ng childhood sweatheart ko na si Dina. Botong-boto sa kanya ang yumao ‘kong ina.
Huli na nang makilala ko si Patty. Mayroon na akong nobya, isang childhood sweetheart at teacher sa paaralan ng mga madre, si Dina.
Nagsasalawahan na ako ngayon sa pagpili ng pakakasalan. Alam ‘kong masasaktan si Dina kung makikipagkalas ako sa kanya at tiyak na magiging bad shot na ako sa kanyang pamilya, na kaibigan pa naman ng pamilya ko.
Karelasyon ko na ngayon si Patty at alam niyang mayroon na akong childhood sweetheart. Pero ang sabi niya, ang buhay ay isang pakikipagsapalaran at gustong niyang ipakipagsapalaran ang kanyang puso. Payuhan mo po ako. Maraming salamat.
Sincerely,
Carlo
Dear Carlo,
Yaman din lamang na nagbago na ang iyong damdamin sa iyong “childhood sweetheart” hindi na magiging makatarungan para sa kanya kung patuloy mo siyang paaasahin na magreresulta sa altar ang inyong relasyon. Lalong mali kung pagsasabayin mo silang dalawa.
Suriin mo ng mabuti ang iyong kalooban para wala kang pagsisihan. Ikaw lang ang nakakabatid sa tunay mong damdamin. Gawin mo ang pagdedesisyon habang hindi pa kayo kasal ni Dina at wala pang mga anak.
Dr. Love
- Latest
- Trending