Tinanggihan ang ipinagbubuntis

Dear Dr. Love,

Ang suliraning idudulog ko sa inyo ay hindi ko problema kundi sa aking kapatid. Buntis po siya at halatado na ito pero ang problema ay itinatanggi ito ng kanyang boyfriend.

Ang katwiran ni Edwin ay may nobyo ang aking kapatid na si Myra bago pa maging sila. Nang kausapin ko naman ang kapatid ko, nakita ko na alangan din siyang ipapanagot kay Edwin ang dinadala. Aminado po siya na totoo ang sinabi ni Edwin.

 Ano po ba ang dapat naming gawin? Hintay ko po ang inyong kasagutan.

Maraming salamat and more power to you.

Gumagalang,

Darla

Dear Darla,

Nangyari na ang hindi dapat mangyari. Kung tinatanggihan ang bata, ariin ninyo ito. Dahil nananatiling dugo at laman ito ng iyong kapatid.

Dahil pareho pa silang bata, tiyak na hindi rin makakabuti kung ipagpipilitan silang ikasal. Hindi na dapat dagdagan ang pagkakamali. Hindi naman nag-iisa ang iyong kapatid sa pagiging dalagang-ina. Ngayon niya higit na kailangan ng pamilya. At sana sa pangyayaring ito, matutunan niya ang leksiyon nang hindi basta pagtitiwala ng puri sa lalaki.

DR. LOVE

Show comments