Mapamahiin ang nobya
Dear Dr. Love,
Hindi ko po alam kung ang problema ko sa aking girlfriend ay lubhang malaki na sapat maging daan para ako ay makapag-isip na ibaling na sa iba ang aking atensiyon.
Mahal na mahal ko po siya at boto sa kanya ang aking ina. Bukod sa maganda, simpleng babae si Nona, masayang kasama at mabait. Ang tanging pintas ko lang po sa kanya ay sobrang mapamahiin, na malimit na nakakapigil sa aming mga lakad. Mahilig siya sa punsoy, horoscope at naniniwala siya sa esp o gut feel ika nga.
Kung may nararamdaman siyang hindi pangkaraniwang kaba kung mayroon kaming lakad partikular sa outing, umuurong siya kahit na nga nakapag-ambag na kami. Hindi po ba mukhang weirdo siya? Naniniwala po siya sa manghuhula na nagsabing malakas ang esp niya at kung pagyayamanin ay magiging mahusay siyang manghuhula.
Normal lang po ba ang ganitong paniniwala sa mga pamahiin at hula? Hindi po ba ito tanda na hindi masyadong stable ang kanyang isip? Matagumpay naman po siya sa kanyang entreprenuership kahit nga maagang nabalo. May pag-asa pa bang mapagbago ang nobya ko sa mga pamahiing ito? Laki naman siyang Maynila at moderno naman ang kanyang pananaw sa ibang mga isyu.
Maraming salamat po sa pang-unawa ninyo sa munting problema ‘kong ito.
Gumagalang,
Douglas
Dear Douglas,
Hindi naman isang malaking kapintasan ang paniniwala sa esp, sa mga hula at punsoy kung ang nobya mo naman ay hindi isang panatikong iniaasa ang kanyang mga desisyon at layunin sa buhay sa ganitong mga pamahiin.
Hindi mo ganap na maiaalis sa kanya ang ganitong paniniwala lalo kung kinalakihan niya na ito. Wala namang perpektong tao, ang mahalaga mahusay siyang babae, maunawain at mapagmahal. Kung kaya mong maiakma ang sarili sa kanyang mga paniniwala na wala namang masyadong nagiging malaking epekto sa inyong pagsasama at relasyon, why not go with it?
For all you know, dinaan ka rin niya sa hula o punsoy kung tatanggapin ba niya ang iyong pag-ibig bago ka niya sinagot.
Dr. Love
- Latest
- Trending