Sinubukang magpakababae
Dear Dr. Love,
Itago mo na lang ako sa bansag na Bimbo. Babae ang anyo ko pero ang puso ko ang itinitibok ay hindi para sa katapat na kasarian kundi para sa isang kabaro.
Nag-iisa lang akong anak ng isang pangkaraniwang pamilya. Dahil nagsosolong anak, ang ambisyon ng aking magulang, makatapos agad ng pag-aaral, makapangasawa ng ulirang lalaki at magkaroon sila ng apat na apo.
Ayaw kong biguin ang mga magulang ko. Inililihim ko sa kanila ang tunay kong nararamdaman. Nagpaligaw ako sa isang lalaki at sinikap na patangay sa pagiging romantiko niya pero napatunayan ko sa sarili na wala sa lalaki ang aking kaligayahan kaya nakipagkalas ako kay Ben.
Ipinagtapat ko na sa aking ina ang problema ko sa kasarian. Hindi ko alam kung natanggap na niya kung sino ako. Ang susunod kong pagsasabihan ay ang ama ko. Sana maunawaan niya ako. Ginawa ko na ang lahat para subukang magpakababae pero likas yatang nilikha akong iba ang kalooban kaysa tunay kong anyo.
Payuhan mo po ako. Hindi ko na itinatago ang lihim ko at mayroon na akong babaeng nililigawan ngayon.
Maraming salamat sa pagbibigay pansin mo sa liham ko.
Gumagalang,
Bimbo
Dear Bimbo,
Nirerespeto ko ang pagiging matapat mo sa sarili at pagsasagawa ng pagsisikap na hindi mabigo ang kaligayahan para sa iyong mga magulang. Bagaman wala sa kasarian na ipinakilala sa paglikha ng ating Diyos ang damdaming nananaig sa iyo, pantay pa rin ang lahat sa Kanyang paningin.
Sa aking palagay hindi mo pa nagagawa ang lahat ng paraan para ganap na matiyak sa sarili kung saan ka talaga nararapat. Subukan mo na ilantad ang sarili sa gawaing ispirituwal at natitiyak ko na magmumula ang linaw sa pag-iisip na hinahanap mo.
Kasama mo ako sa panalangin para masumpungan mo ang katotohanan kaugnay sa iyong sariling kasarian. God bless you!
Dr. Love
- Latest
- Trending