Dear Dr. Love,
Noon ko pa balak sumulat sa iyo pero naunahan ako ng hiya. Tulad ng iba, may problema rin ako sa puso. Kung puwede sana, itago mo na lang ako sa pangalang Charm.
Isa lang akong kasambahay pero hindi ko ikinahihiya ito. Mababa lang ang pinag-aralan ko kaya kahit katulong ay pinasok ko para kumita ng marangal na kabuhayan.
Mayaman ang pamilyang napasukan ko at ang suweldo ko ay P5,000 kada buwan.
Didiretsahin na kita. In love ako sa anak ng amo ko. Itago mo na lang siya sa pangalang “ideal man”. Siya kasi ang tipo kong lalaki.
Mabait siya at maalalahanin sa akin. Katunayan, kapag dumarating siya ng gabi, niyayaya niya akong sumabay sa pagkain.
Nahihiwagaan tuloy ako. In love kaya siya sa akin? Dapat ba akong umibig sa amo? Tulungan mo ako.
Charm
Dear Charm,
Kung binata ang anak ng amo mo at dalaga ka, walang masama kung maging magkasintahan kayo.
Ang tanong lang, mahal ka kaya niya o nabibigyan mo lang ng maling interpretasyon ang ipinakikita niyang kabutihan sa iyo?
Ang masasabi ko, huwag kang magpapakita ng motibo na gusto mo siya dahil baka paglaruan niya ang puso mo. Hayaan mo siyang kusang manligaw.
Dr. Love