Dear Dr. Love,
Ang problema ko po ay tungkol sa aking tunay na pamilya na gusto kong balikan matapos ang sampung taon mula nang iwanan ko sila at pakisamahan ang isang babae na minahal ko at naanakan.
Pitong taon na po ngayon ang anak namin ni Liza. Mag-isa ko po itong inaalagaan makaraang pumanaw siya sa sakit na cancer. Bago tuluyang lagutan ng hininga si Liza, kabilin-bilinan niya na huwag kong pababayaan ang anak namin.
Plano ko po isama sa aking pagbabalik sa tunay na pamilya ang aking “love child.” Alam ko na hindi nila ito matatanggap. Lalo na ng mga dalagita kong anak na bagaman sustentado ko ay may isip na nang iwanan ko sila. Pero maaari ko sigurong pakiusapan ang tunay kong asawa na si Digna tungkol dito.
Gusto rin po kunin ng mga magulang ni Liza ang aming anak para sila na lamang ang mag-alaga pero mahal na mahal ko ang aking anak na lalaki at hindi ko maisusuko sa kanila ang aking obligasyon bilang ama.
Payuhan mo po ako kung ano ang mabuti kong gawin. Paano ko po maiwawasto ang kamaliang nagawa ko sa buhay nang hindi masasakripisyo ang kapakanan ng anak namin ni Lisa?
Maraming salamat po at hihintayin ko ang inyong mahalagang payo.
Gumagalang,
Ernesto
Dear Ernesto,
Hindi basta mabubura nang biglang pagsulpot mo ang sampung taon binalewala mo ang tunay na asawa at mga anak, kapalit ng pakikisama sa iyong naging kabet. Bukod pa ang anak ninyo na balak mo iuwi sa iyong tunay na pamilya.
Pero hindi pa naman huli ang lahat para hingin ang kanilang kapatawaran. Hindi magiging madali ang lahat kaya huwag kang manghinawa sa panunuyo sa asawa mo, lalo na sa mga anak mo. Hindi sapat ang sustento, lalo sa mga sandaling nangulila sila sa iyo.
Tanggapin mo muna ang mungkahi ng mga magulang ni Liza, na sa kanila muna ang anak ninyo habang ibinabalik mo ang nawalang tiwala at respeto ng iyong tunay na pamilya sa iyo. Tapat at sinsero sa kilos at gawa, kalakip ang seguridad lalo na sa iyong asawa ang iyong ipakita.
Dr. Love