Lonely Rose

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa libu-libo mong tagahanga. Itago mo na lang ako sa pangalang Lonely Rose, 25 anyos at kamakailan ay iniwanan ako ng aking ka-live-in.

Kasal ako sa una kong asawa pero nakilala ko ang lalaking kinasama ko at umibig ako sa kanya. Hiniwalayan ko ang aking asawa. Kung tutuusin puwede akong idemanda ng legal kong asawa pero hindi niya ginawa.

Nag-text message lang siya sa akin na sinabing kung maligaya ako sa piling ng iba, handa siyang magsakripisyo.

Pero matapos lang ang anim na buwang pagsasama ay iniwanan ako ng ka-live-in ko. Nabalitaan ito ng aking mister at inaaya akong balikan siya.

Naramdaman ko ang kadakilaan ng pag-ibig sa akin ng mister ko at parang doon lang tumibok ang puso ko para sa kanya.

Pero nangingimi akong balikan siya sa laki ng kasalanan ko sa kanya. Ano ang gagawin ko?

Lonely Rose

 

Dear Lonely Rose,

May kasabihang love is lovelier the second time around. Palagay ko ay sinsero ang mister mo sa paanyayang magbalik ka sa kanya.

Bigyan mo ang sarili mo ng ikalawang pagkakataon. Humingi ka ng tawad sa kanya. Lahat ng tao, lalaki man o babae ay nagkakamali. Pero lahat tayo ay may karapatang patawarin kung taimtim ang ating pagsisisi.

Dr. Love

Show comments