Nagsasama alang-alang sa anak
Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lamang po sana ako sa pangalan na Emily. Ako po ay may kinakasama mula pa noong ako ay 16 years old pa lamang. Siyam na taon ang tanda niya sa akin.
Sa una ay masaya ako sa aming pagsasama hanggang sa nalaman ko na lahat ng kalokohan niya.
Madalas pa silang magkita noon ng kanyang dating kasintahan at nalaman kong may nangyayari pa sa kanila dahil minsan ko nang nabasa ang mga sulat ng babae sa kanya. Marami rin akong nababalitaang hindi maganda tungkol sa kanya at napapatunayan kong totoo ang lahat ng sumbong sa akin.
Nang hindi ko na matiis ay nagpasya akong umuwi sa amin at makipaghiwalay sa kanya. Pero sabi nga nila, may ibibigay ang Diyos na biyaya kapag hindi mo inaasahan. Napag-alaman kong buntis ako kaya nagsama kaming muli para sa bata.
Madalas kong sinasabi sa aking sarili na napatawad ko na siya at tanggap ko na ang lahat ng mga nagawa niya sa akin. Pero gabi- gabi ay lagi pa ring pumapasok sa isipan ko ang mga ginawa niya at aaminin ko na masakit pa rin. Hindi ko alam ang gagawin para matigil na ang masasakit na bagay na lagi kong naaalala.
Sana po ay bigyan ninyo ako ng payo at maraming salamat sa pagbibigay oras at atensyon dito sa aking liham.
Gumagalang at nagpapasalamat,
Emily
Dear Emily,
Una sa lahat tanungin mo muna ang sarili mo. Mahal mo pa ba siya sa kabila ng lahat?
Hindi kayo kasal at puwede mo siyang hiwalayan kung gusto mo. Iyan naman ay kung namatay na ang pag-ibig mo sa kanya dahil sa kanyang mga ginawang mali sa iyo.
Hindi ako pabor sa pagsasama nang walang kasal. Pero iginagalang ko ang damdamin ng tao at ang kanilang pasya.
Sa problema mo ay ikaw lamang ang makapagdedesisyon. Sabi mo nagsasama kayo alang-alang sa inyong supling. Puwes, dapat lagi kang handa sa ano mang problemang kakaharapin mo sa pagpapatuloy ng inyong relasyon. Pero maaari kayong mag-usap nang masinsinan.
Buksan ang linya ng komunikasyon at magtulungan kayo para maging maayos ang inyong relasyon.
Dr. Love
- Latest
- Trending