Stalker
Dear Dr. Love,
A very pleasant day to you. Isang taon na akong masugid na nagbabasa ng PSN at ang kolum na ito ang favorite ko.
Tawagin mo na lang akong Krista. Katatapos ko lang ng accounting at nagta-trabaho ako sa isang call center.
Mag-iisang buwan na ngayon, may napansin akong lalaking laging sumusunod sa akin kapag ako’y pauwi na. Noong una’y ‘di ko pinapansin pero lubha namang napakadalas mangyari nito kaya tiyak ‘kong ako ang sinusubaybayan niya.
Habang nakatayo ako sa waiting shed ay nagtanong siya ng oras. Kinabahan ako pero sinagot ko siya.
Ano ang dapat kong gawin para makaiwas sa lalaking ito?
Krista
Dear Krista,
Kung masyado nang madalas ang pagsubaybay niya sa iyo, posibleng may masama siyang binabalak.
Kung puwede, sumabay ka sa ibang kaibigan mo o kaya’y magpasundo ka kung may kaanak kang lalaki na puwedeng sumundo sa iyo.
Samantala, i-report mo iyan sa pulis para masupil kung may binabalak man siyang masama sa iyo.
Dr. Love
- Latest
- Trending