Inaako ang pananagutan
Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw sa inyo.
Naglakas loob akong lumiham sa pagbabakasakali na sa pamamagitan ng inyong column ay matunton ko ang babae na minsan ay lihim kong minahal ng lubos.
Waiter ako sa isang restaurant na madalas kainan ni Wena, sa kanyang pagganyak halatang may kaya sila sa buhay. Ito ang unang naging pag-aalinlangan ko dahil mahirap lamang ang aking pamilya.
Minsan natanawan ko siyang umiiyak, magkapalagayan na kami ng loob noong mga panahon na iyon. Nang lapitan ko siya para hingin ang order niya. Sinabi niyang samahan ko siya sa isang bar. Isang lalaki ang kinausap niya dito. Na ipinagtapat niyang ama ng kanyang dinadala. Buntis pala si Wena at ayaw siyang panagutan ng lalaki.
Dahil sa laki ng aking pagmamahal sa kanya, inalok ko na bigyan ng pangalan ang sanggol para hindi maging kahihiyan sa kanilang pamilya. Pero tinanggihan niya ito. Hindi raw niya magagawa ang pagpanggapin akong ama ng dinadala niyang bata.
‘Yun na ang huli naming pagkikita. Hanggang ngayon, patuloy ko pa ring iniisip kung ano na ang nangyari kay Wena at sa dinadala niyang sanggol.
May sarili na akong pamilya ngayon at dalangin ko na gaya ko sana ay nasa mabuting sitwasyon na rin si Wena. Gusto ko makibalita sa kanyang kalagayan, kaya sana ay mabasa niya ang sulat kong ito.
Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito.
Dominique
Dear Dominique,
May mga pagkakataon na nagkakaroon tayo ng regret sa ating buhay. Dahil may mga bagay na alam nating dapat nating gawin pero bigo tayong mabigyang katuparan ito. Sa pakahulugan ko sa iyong lihim, nanunumbalik ang ala-ala ni Wena sa iyo dahil natitiyak mo sa sarili na mahal mo siya pero hindi mo ito naipagtapat bago pa kayo tuluyang mawalan ng komunikasyon.
Walang masama kung panunumbalikan mo ang ala-ala tungkol sa kanya pero hindi ang naunsyaming damdamin mo para sa kanya. Dahil hindi ito magiging patas sa iyong asawa. Gamitin mo ang panalangin para sa concern mo sa kalagayan ni Wena, na sana ay nasa mabuti siyang kalagayan.
Hangad ng pitak na ito ang matiwasay at masaganang buhay para sa iyo at sa iyong pamilya sa buong taon. God bless!
Dr. Love
- Latest
- Trending