Dear Dr. Love,
Ako po ay isang nurse na nagtatrabaho sa Amerika at isa na akong residente sa California. Pawang mga immigrant na rin ang aking mga magulang at ibang kapatid.
Ang problema ko po, mayroon akong naiwanang nobyo diyan sa Pinas subali’t ang matagal na naming planong pagpapakasal ay laging nauudlot dahil sa hindi niya maiwanan ang kanyang nagsosolo nang ina. Biyuda na ang kanyang ina at tanging siya na lang ang kasama nito sa bahay.
Bagaman mayroon siyang dalawang kapatid na lalaki rin, may mga asawa na ang mga ito at mga anak. Iminungkahi kong panandalian munang patingnan sa iba niyang kapatid at sisters-in-law ang kanyang ina hanggang sa mapetisyon namin ang kanyang ina pagkaraang makapagpakasal kami. Pero hindi kampante ang nanay niya sa kanyang mga manugang.
Dahil sa problemang ito, nagpasya na ang boyfriend ko na makipagkalas na sa akin. Mahal ko po ang boyfriend ko pero hindi naman ako puwedeng maghintay na lang kung kailan ako puwedeng bigyan niya ng pansin. Nauunawaan ko naman ang kanyang sitwasyon pero ang mga praktikal kong solusyon sa problema ay tinanggihan na niya. Masakit man sa puso kailangan kong tanggapin ang pakikipaghiwalay sa kanya.
Hindi po magiging maligaya ang aming pagsasama kung ang isip niya ay laging nasa kanyang maiiwanang ina sakali mang matuloy ang aming pagpapakasal. Hindi ba ako matatawag na makasarili? Tama ba na tawaging mama’s boy ang nobyo ko?
Maraming salamat po at hangad ko ang patuloy na tagumpay ng inyong column.
Sincerely yours,
Danica
Dear Danica,
Hindi naman masasabing makasarili ang naging stand mo sa sitwasyon ninyo ng boyfriend mo. Hindi naman ikaw ang nakipagkalas kundi siya. Maaaring hindi talaga kayo para sa isa’t isa. Dahil bagaman may pagmamahal kayo sa bawat isa, hindi ito naging sapat para ma-meet ninyo ang pagkakaiba ng mga priorities ninyo sa buhay.
Tungkol naman sa pagtawag na mama’s boy ang nobyo mo, hindi ko kinakikitaan ng maturity sa sariling personalidad kung may pakutsang magbabansag nito sa kanya. Dahil kailan man hindi magiging negatibo ang pagbibigay ng importansiya sa magulang. Na sa kaso niya ay tanging siya na lamang ang masasandalan ng kanyang nag-iisa nang ina.
Tama rin ang ginawa niyang pagpapalaya sa iyo dahil alam niyang hindi makatarungan sa panig mo na itali ka niya sa isang usapan na sa tingin niya ay hindi naman magiging makatarungan para sa iyo.
Dr. Love