Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang po akong Olga, may asawa at dalawang anak, nakapisan kami sa aking mga biyenan.
Problema ko po ang asawa ko. Wala siyang trabaho at umaasa lang sa kanyang mga magulang.
Tatlong taon na kaming naninirahan sa bahay ng kanyang mga magulang at nagagalit ang asawa ko tuwing hihimukin ko siyang humiwalay na kami ng tirahan.
Ang katuwiran niya ay hindi niya kayang bumayad ng uupahang bahay dahil walang trabaho.
Ang problema ko ay masyado kaming inaapi ng aking biyenang babae. Madalas magparinig na hindi na kami kayang “palamunin.” Kahit ano namang masasakit na salita ay hindi tinatalaban ang asawa ko.
Ano ang dapat kong gawin?
Olga
Dear Olga,
Aba, hindi nga kayo makabubukod kung ganyang batugan at makapal ang mukha ng asawa mo. Kung hindi lang marahil sa mga anak n’yo ay matagal na kayong sinipa ng mga biyenan mo.
Kung ayaw niyang magtrabaho, subukan mong ikaw ang maghanap. Baka sakaling talaban siya ng hiya.
Kausapin mo rin ang biyenan mong babae at humingi ng paumanhin sa inaasal ng kanyang anak at kunsultahin mo siya kung ano ang dapat gawin. Kung puwede, pakiusapan mo siya na itaboy na kayo sa kanilang tahanan para mapilitang magbanat ng buto ang batugan mong asawa.
Dr. Love