In-love si Lolo

Dear Dr. Love,

Nagpapasalamat ako at may column na katulad ng sa iyo na nakatutulong sa mga taong may problema sa pag-ibig.

Tawagin mo na lang akong Lolo Jose, 82 anyos at matagal nang biyudo. Stroke victim ako at mayroon akong caretaker. Tawagin mo na lang siyang Lumen.

Maaruga siya at hindi ko sasabihing ito’y ginagawa niya dahil sa malaking naibabayad ko sa kanya. Singkuwenta anyos na si Lumen pero sa isang taong pagsisilbi niya sa akin, natutunan ko siyang mahalin. Matandang dalaga siya.

Pero nangingimi akong magtapat sa kanya at baka masamain niya. Unang-una, dahil sa kalagayan ko, hindi na ako puwede sa sex.

Dapat ba akong mag-propose sa kanya?

Lolo Jose

Dear Lolo Jose,

Ang pag-ibig at pakikipagrelasyon ay hindi lang naman sex.

Higit na mahalaga ang companionship na may kasamang pag-ibig.

Walang masama kung magtapat ka sa kanya pero ihanda mo ang sarili sa sasabihin niya. Huwag mong daramdamin ito kung mabibigo ka at huwag naman sobrang saya kung tanggapin ka niya at baka ma-stroke ka uli.

Tingin ko naman ay pareho kayong mature ni Lumen. Kaya kung may nararamdaman ka, isiwalat mo. God bless you Lolo Jose.

Dr. Love

Show comments