Isinakripisyong pag-ibig
Dear Dr. Love,
Sumulat po ako para maibahagi at sana ay kapulutan ng leksiyon ng inyong mga mambabasa ang aking kasaysayan. Guro po ako sa isang pribadong elementary school. Naging tutok sa aking obligasyon bilang katuwang ng aking ama sa pagtataguyod sa dalawa kong kapatid.
Bagay na hindi po naiintindihan ng boyfriend ko noon na si Noel kaya kami nagkahiwalay. Dahil tinalikuran ko ang pagmamahal ko sa kanya at pinili ang aking pamilya. Pero aminado po ako na matagal ko iniyakin ang pagkahihiwalay namin, lalo na nang mabalitaan ko na nagpakasal na siya sa ibang babae.
Retirado na ako ngayon Dr. Love. Nananatiling nagsosolo sa buhay pero masaya ako sa piling ng aking mga kapatid at mga pamangkin. Natitiyak ko rin po na dahil sa pagmamahal at pagpapahalaga nila sa akin, wala akong pangangambahan sa aking pagtanda. Kaya kung isinakripisyo ko man ang aking pag-ibig sa kabutihan ng aking mga kapatid, wala akong pinagsisisihan. Hanggang dito na lang po at more power to you.
Ligaya
Dear Ligaya,
Kahanga-hanga ang iyong prinsipyo sa buhay. Natitiyak kong isang mahalagang aral ang naibahagi mo sa mga mambabasa ng pitak na ito. Hindi naman nakapagtataka na manatili kang maligaya at kontento sa buhay, dahil dakilang pag-ibig ang hatid mo sa iyong pamilya. Alam nating na walang kapantay na pagpapala ang kapalit nito.
Hangad namin ang patuloy na kaligayahan mo sa piling ng iyong mga mahal sa buhay. God bless you!
Dr. Love
- Latest
- Trending