Mahal pa ang ex
Dear Dr. Love,
Mahirap po talagang ipilit ang isang pagmamahal kung ang babaeng iniibig ay okupado pa ang isip ng lalaking una niyang minahal.
Ito po ang problema ko ngayon dahil si Apple bagaman girlfriend ko na ay para namang malamig na yelo. Wala akong nararamdamang passion mula sa kanya at kahit nga matagal na kaming hindi magkita, na sinasadya ko naman para makita ang reaksiyon niya parang wala lang sa kanya.
Sinubukan kong limutin na lang siya pero ako ang masyadong nasasaktan. Parang hindi ko matiis na kalasan na lang siya. Matagal ko ring niligawan si Apple. Noon pa man ay mayroon na siyang boyfriend na iba, kaibigan ko na siya.
Kaya nang magkalimutan sila ng una niyang boyfriend at makasal ito sa iba, naroon pa rin ako sa tabi ni Apple, pinasasaya siya. Mabait naman si Apple. Maunawain rin pero damdam ko na ang turing niya sa akin ay tulad pa rin ng dati. Isa lang matalik na kaibigan at hindi kasintahan.
Labis lang kayang nabubulag ako sa selos kung kaya’t ganito ang feeling ko ngayon? Pinagseselosan ko ang isang karibal na nakatali na sa iba.
Payuhan mo po ako. Hindi ko po nais na magkahiwalay kami ni Apple dahil sa aking insecurity.
Hanggang dito na lang po at maraming salamat.
Gumagalang,
Glen
Dear Glen,
Baka naman nasa isip mo lang ang pangamba na hanggang ngayon ay mahal pa ng nobya mo ang dati niyang boyfriend. Labis mo lang kasing mahal ang girlfriend mo, sobra sa pagtingin niya sa iyo kaya ka nakakaisip ng ganyan.
Hindi maiaalis na dinamdam niya ang pagkakahiwalay niya sa unang boyfriend. Hindi mo ba naiisip na siya man baka mayroong insecurity at nadala na siyang magmahal nang todo-todo para hindi na siya masaktang muli.
Kung talagang mahal mo ang isang tao bibigyan mo siya ng pagkakataong makapag-adjust sa bago niyang relasyon. Lalo na’t matagal kayong naging best friends bago kayo nagkaroon ng relasyon.
Alisin mo ang masyadong selos sa iyong katawan dahil hindi maganda iyan sa isang relasyon. Kailangan ang bukas na komunikasyon sa isa’t isa, lawakan ang pang-unawa at matiyagang alagaan ang pag-ibig. Lahat ng sobra ay nakakasama. Bigyan mo pa ng panahon si Apple na masuklian nang husto ang pagmamahal mo.
DR. LOVE
- Latest
- Trending