Dear Dr. Love,
Isang masaganang pangungumusta!
Hindi ko na po sana nais na makaabala sa inyo sa idudulog kong problema na para sa ibang misis marahil ay hindi masyadong “earthshaking” at makakalikha ng pagkabuwag ng pamilya.
Pero sa maniwala kayo’t sa hindi, ang kakuriputan ng mister ko ay malimit na pagbuhatan ng aming away at samaan ng loob.
Noong una, hindi ko ito masyadong iniinda dahil naremedyuhan ko na ito dahil namamasukan ako. Pero nang magkaanak kami ay pinatigil na niya ako sa trabaho.
Hindi kasi ako sanay sa pagkakait sa sarili ng mga bagay na nakapamihasnan ko noong dalaga pa lang ako. Ayaw kong masabihan na nalosyang na. Pero pinupuna ito ng aking mister, lalo na nang magdalawa na ang aming anak. Kaya napilitan akong kumuha ng katulong at magbalik-opisina.
Hindi na n’ya pera ang ibinibili ko ng mga personal kong pangangailangan, maging ng mga laruan ng aking mga anak pero pinupuna pa rin niya ako. Kaya inaway ko siya at umuwi sa aking mga magulang bitbit ang aking mga anak. Pero nasa panig ng aking asawa ang mga magulang ko. Dahil maganda naman daw ang layon ng aking asawa.
Pinauwi ako ng mga magulang ko sa amin. Mula nang mangyari ito, hindi na ako pinupuna ng aking asawa sa paggastos. Pinatitigil na lang niya ako sa trabaho dahil napapabayaan ang aming mga anak. Pero nagmatigas ako, kasunod nito ay hindi na siya umuuwi ng maaga. Ang dahilan niya ay para mag-overtime at masunod ko ang mga luho ko sa katawan.
Parang nakonsiyensiya naman ako kaya’t nag-file ako ng tatlong buwang bakasyon. Susubukan ko muna kako kung uubra pa sa akin na nasa bahay lang.
Nais ko pong humingi ng inyong opinyon, kailangang nasa bahay na lang ba ang isang babae gayong mayroon naman akong kakayahang magtrabaho at kumita para makatulong sa mister ko? Dapat ba akong makontento na lang kung ano ang ibibigay sa akin ng aking mister at hindi na masasaktan kung pinagbabawalang gumastos para sa sarili?
Mahal ko naman ang asawa ko at ayaw ko namang magkakahiwalay kami sa dahilang para sa aking pamantayan, isa siyang kuripot na mister.
Maraming salamat po at hintay ko ang kasagutan ninyo.
Flor ng Maynila
Dear Flor,
Masuwerte ka sa pagkakaroon ng isang mister na marunong mag-impok para paghandaan ang inyong kinabukasan. Kung pinupuna ka man na huwag masyadong gumastos sa maluhong mga bagay, hindi ka naman niya pinagdadamutan.
Ayaw lang niya marahil mangyari na dumating ang panahon na ni-isang kusing ay wala kayong naisubi sa panahon ng pangangailangan lalo na sa aspetong pangkalusugan.
Ipaliwanag mo sa kanya na kailangan mo rin namang gamitin ang iyong talino at pinag-aralan para siya matulungan sa pagkita at hindi malagay sa panganib ang kanyang kalusugan para mapagbigyan ang luho mo.
Kailangan ninyo ang pag-uunawaan. Komunikasyon at paggawa ng desisyon na makabubuti para sa lahat.
DR. LOVE