Dear Dr. Love,
Itago niyo na lang ako sa pangalang April. Ako po ay may problema at sana matulungan n’yo ako.
Tungkol po ito sa pagpapakasal namin nang lihim ng boyfriend ko. Secret marriage yata ang tawag dito. Gusto ko pong malaman kung ito ay legal.
Nagpa-secret marriage po kasi kami ng bf ko kaya lang ay hindi niya ito binalik sa city hall para iparehistro.
Kinakabahan po ako dahil baka ito’y hindi balido. Ayaw ko pong magtanong sa kanya at baka siya magalit at tuluyan akong layuan. Kung mangyari po na layuan niya ako, may karapatan ba akong humabol.
Sana matulungan n’yo ako. More power to you!
April
Dear April,
Walang kuwestyon kung secret marriage man o hindi ang inyong kasal. Walang kinalaman iyan sa pagiging legal o hindi legal ng kasal. Pero sinabi mo na hindi ibinalik sa munisipyo ang kontrata para mairehistro. Yun ang magiging dahilan para maging invalid ang inyong kasal.
Hindi naman siya ang magbabalik noon kundi ang sino mang nagkasal sa inyo. O baka naman kasal-kasalan lang ang nangyari, hindi kaya? Isa pa, nasa wastong edad ka ba? Kung ikaw o siya ay under-age at walang consent ng mga magulang ang kasalan, tiyak walang bisa iyan.
Sana pinag-isipan mong mabuti ang ginawa mong “pagpapakasal” dahil maraming manloloko ngayon. Baka naisahan ka. Oo, puwede kang maghabol. Pero papaano kung may asawa pala ang diyaskeng lalaking iyan?
Dr. Love