Dear Dr. Love,
Isa po akong Cebuano, 33 years old at kasalukuyang nakakulong sa pambansang bilangguan sa kasong pagpatay.
Nakilala ko si Nina sa isang beer house kung saan kami nag-inuman ng isang kababata. Kababalik ko lang noon mula sa abroad. Nakursunadahan ko si Nina kaya nagpabalik-balik ako sa pinagtatrabahuhan niyang beer house. Hindi ako nabigo nang magtapat ako ng pag-ibig sa kanya. Nang magsama kami, dun ko natuklasan ang tunay niyang ugali.
Minsan, dumating ako sa bahay na wala si Nina. Pinahinto ko na kasi siya sa trabaho mula nang maglive-in kami. Ibinigay kong lahat ang kanyang luho hanggang mapansin ko nga ang pag-iiba ng kanyang ugali mula nang maghinay-hinay kami sa paggastos. Kaya pala wala si Nina, bumalik na siya sa dating trabaho dahil hindi ko na raw maibigay ang luho niya. Lumipas ang isang linggo at hindi pa rin siya bumabalik kaya nagpunta ako sa beer house at doon ko nakita na may iba na siyang lalaki. Pinakiusapan ko uli siya na bumalik na sa amin pero limutin ko na lang daw siya dahil mayroon na siyang iba na higit na makapagpapaligaya sa kanya.
Dahil dito, nilapitan ko ang lalaki niya at sinuntok. Inawat kami ng security pero ang ginawa ko’y inagaw ang baril ng sekyu at pinaputukan ko ang lalaki ni Nina sa ulo. Nawala na rin si Nina na parang bula mula noon.
Feeling ko, masyado akong naapi gayong wala akong kamalian kundi ang magmahal lamang ng sobra-sobra. Payuhan mo po ako at sana magkaroon ako ng maraming mga kaibigan sa panulat.
Maraming salamat po.
Gumagalang,
Vicmar Lucena
4-B Y.R.C. Bldg. 4
Student Dormitory
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Vicmar,
Huli na ang pagsisisi. Unang-una, hindi mo pa masyadong kilala ang babaeng naka-live in partner mo kaya nasurpresa ka sa tunay niyang ugali nang tumagal na ang inyong pagsasama. Hindi masama ang magmahal pero hindi naman maganda na sobra-sobra at kinuha mo sa pagbibigay sa kanya ng layaw para suklian niya ng katapatan.
Sa dalawang nag-iibigan, kailangan ang respeto, pang-unawa at pagdadamayan.
Hindi ka mahal ni Nina kaya’t nang hindi mo na maibigay ang nakaugalian niyang luho, iniwan ka at humanap ng iba. Huwag mo na siyang pag-aksayahan ng luha.
Pag-aralan mong tulungan ang sarili para makabangon kang muli sa kasalukuyang kalagayan. Huwag mo ring kalilimutan ang paghingi ng tawad sa Diyos dahil sa nagawa mong sala.
Dr. Love